BOAC, Marinduque — Nagkaloob ng kabuuang P150 milyon si Congressman Reynaldo Salvacion para sa anim na bayan ng Marinduque. Ito ang ipinahayag ng kongresista sa kanyang inaugural address nitong Lunes, Hunyo 30 sa Provincial Capitol Compound.
“Hindi pa man po ako naka-uupo ay nakapagbigay na tayo ng tig-20 milyon sa kada bayan ng Marinduque upang magamit nila sa proyektong makatutulong sa ating lalawigan,” wika ni Salvacion.
Tig P20 milyon ang mga bayan ng Boac, Gasan, Mogpog, Santa Cruz at Torrijos habang P50 milyon naman ang inilaan sa bayan ng Buenavista kung saan ay nagmula at kasalukuyang naninirahan ang mambabatas.
“Pinalamang ko po ng kaunti ang bayan ng Buenavista dahil gusto po ng aming mayor na makapagpagawa kami ng magandang health center. Uunahin po natin ang ating programa para sa pangkalusugan,” dagdag pa ng bagong halal na congressman.
Binigyan din umano n’ya ng kalayaan ang mga alkalde sa kung ano at saang proyekto dapat gugulin ang nabanggit na pondo, “Ang mga mayor na po ang bahalang mag-identify kung anong project ang kanilang gagawin doon sa P20 milyon na iyon.”
Sa isang press conference ay binanggit ng kongresista na ang P150 milyon na pondo ay ipinagkaloob sa kanya ng Kongreso.
Matatandaan na noong Hunyo 3 ay nanumpa si Salvacion sa harap ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez bilang bagong miyembro ng Lakas–Christian Muslim Democrats o Lakas CMD. — Marinduquenews.com