BOAC, Marinduque — Isinusulong ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pagpasa ng matagal nang hinihintay na Magna Carta for Barangays, na layuning kilalanin ang mga opisyal ng barangay bilang ganap na kawani ng pamahalaan — may karampatang sahod, benepisyo, at seguridad sa trabaho.
Sa harap ng mahigit dalawang libong lokal na lider sa Liga ng mga Barangay sa Pilipinas National Congress, binigyang-diin ni Dy na kabilang ang panukalang batas sa walong pangunahing legislative priorities ng Mababang Kapulungan.
“Muli ko pong gustong iparating sa inyo na amin pong ipaglalaban ang Magna Carta para sa ating mga barangay,” ani Dy, na umani ng malakas na palakpakan mula sa mga opisyal ng barangay.
Bilang dating barangay official, si Dy ang may-akda ng House Bill No. 3533, na naglalayong kilalanin ang mga punong barangay, kagawad, kalihim, at ingat-yaman bilang regular na empleyado ng gobyerno na may nakatakdang sahod, insurance, at retirement benefits.
Binibigyang-diin ng panukala na madalas ay 24/7 ang serbisyo ng mga opisyal ng barangay—mula sa pagtugon sa mga emergency, pag-ayos ng alitan, hanggang sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno—ngunit patuloy pa rin silang tinuturing na mga boluntaryo.
Kapag naisabatas, magiging pinakamalawak na reporma ito sa lokal na pamahalaan mula pa noong 1991 Local Government Code, at magbibigay ng makasaysayang pagkilala sa mahalagang papel ng mga barangay bilang pundasyon ng pamahalaan. — Marinduquenews.com