Velasco, pormal nang isinalin ang pamamahala ng Torrijos kay Peñaflor

TORRIJOS, Marinduque — Pormal nang isinalin ni outgoing Mayor Lorna Quinto-Velasco ang pamamahala ng munisipalidad ng Torrijos kay Mayor-elect Joey Peñaflor sa ginanap na Local Governance Transition at Turnover Ceremony nitong Martes, Hunyo 17 sa New Municipal Government Center.

Bahagi ng seremonya ang pagpasa ni Velasco ng transition report kabilang ang Executive Legislative Agenda, Report on the Physical Count of Property, Plant and Equipment at iba pang documentary requirements kay Peñaflor, tanda ng pagpapalit ng pamumuno sa munisipyo.

“Sa loob ng siyam na taon ng aking panunungkulan, kayo ang naging inspirasyon at dahilan kung bakit ako naglingkod ng tapat at may malasakit sa ating bayan. Ngayon bilang isang pribadong mamamayan, handa kong ipasa ang pamumumuno sa bagong halal na punongbayan na batid ko ay may dalang bagong pananaw, bagong lakas at bagong pag-asa para sa ating bayan,” madamdaming pahayag ni Velasco.

Malugod namang tinanggap at pinasalamatan ni Peñaflor si Velasco gayundin ang mga pinuno ng bawat departamento at tanggapan lalo’t higit ang Department of the Interior and Local Government (DILG), na aniya ay naging bukas sa pakikipagtulungan para maging maayos ang naturang pagsasalin ng liderato.

“Salamat po Mayora Lorna, sa lahat ng mga department heads at kay Sir Ivan ng DILG, sa pag-organisa ng ganitong gawain sapagkat malaking bagay ito para sa amin, na incoming administration,” wika ni Peñaflor.

Ang Local Governance Transition and Turnover Ceremony sa Torrijos, ang kauna-unahang pagsasalin ng liderato na ginawa sa buong probinsya ng Marinduque matapos ang Eleksyon 2025 nitong Mayo 12.

Ginawa ito bilang pagtupad sa layunin ng maayos na paglilipat ng responsibilidad, pagpapatuloy ng serbisyo, at pagpapatatag ng tiwala ng publiko sa lokal na pamahalaan.

Samantala, ang makasaysayang paglilipat ng pamunuan ay sinaksihan ni Vice Mayor-elect Edmar Frias kasama ang mga incumbent at bagong halal na miyembro ng Sangguniang Bayan, department heads at iba pang kawani ng local government unit.

Base sa tala, si Engr. Joey Peñaflor ang ika-40 punong bayan ng Torrijos kung saan maituturing niyang ninuno ang pinaka-unang naging municipal captain na si Timoteo Peñaflor na nagsilbi noong 1880 hanggang 1881. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!