BOAC, Marinduque — Nagsama-sama ang mga job order (JO) at contractual worker mula sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque para sa isang pagsasanay na tinawag na ‘Job Order Hires Orientation’.
Layunin ng oryentasyon na mabigyan ng wastong patnubay ang mga job order at contractual employees para maging epektibong lingkod ng gobyerno.
Ayon sa kinatawan ng Provincial Human Resources Office, mahalagang maunawaan ng mga manggagawa ang mga pangunahing responsibilidad ng isang kawani ng gobyerno.
Aniya, bagama’t ang status nila ay contractual employees, sila pa rin ay kawani ng pamahalaan na kinakailangang maglingkod ng tapat at mahusay sa bayan at mamamayan.
Ibinahagi rin sa nasabing pagsasanay ang mga panuntunang kailangan gampanan ng bawat empleyedo, regular man o JO, ito ay ang tamang pagbabayad ng buwis, pagsusuot ng ID at pagpasok sa tamang oras.
Sa pagtatapos ng programa ay pinagkalooban ng sertipiko ng pakikilahok ang lahat ng dumalo sa nasabing pagsasanay. — Marinduquenews.com