Matagumpay na naisagawa sa lalawigan ng Marinduque ang pagpapasinaya sa Bantayog-Wika bilang pagkilala sa Tagalog Marindukenyo. (Larawang kuha ni Karl Angelo Buñag/MNN)
BOAC, Marinduque – Pinasinayaan nitong Agosto 26 ang ika-19 na Bantayog-Wika sa Pilipinas na kumikilala sa Wikang Tagalog Marindukenyo ng lalawigan ng Marinduque na naisakatuparan sa pamamagitan ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at sa pakikipagtulungan ng tanggapan ng dating senadora at ngayo’y kongresista ng Antique, Loren B. Legarda, at sa inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque.
Ang Bantayog-Wika, na likha ng tanyag na eskultor na si Luis “Junyee” E. Yee Jr., ay magkatuwang na inilantad sa publiko nina Kgg. Lord Allan Jay Q. Velasco, kinatawan ng Marinduque sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, Gob. Presbitero J. Velasco, Jr., Bise Gob. Romulo A. Bacorro, Jr. at Panlalawigang Administrador Michael Vincent Q. Velasco.
Yari ang hubog-kawayang bantayog sa pintadong stainless steel at may taas na sampung talampakan kung saan ay nakaukit sa katawan nito ang baybaying bersiyon ng “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Gat. Andres Bonifacio. Kapag gabi ay lumiliwanag ang teksto para sa mga nais bumisita sa kinatatayuan nito sa loob ng Provincial Capitol Compound sa Barangay Santol, Boac.
Ayon kay Gob. Velasco, dapat payabungin pa ang mga kultura, gawi, kasaysayan at tradisyon sa Marinduque.
“Atin pong pagyamanin at pagbutihin pa ang ating Tagalog Marindukenyo. Kailangan pong bumuo tayo ng isang komitiba na mangangalaga sa ating katutubong wika. Ito po ay isang karangalan natin bilang Marinduqueno. Patuloy po nating gamitin ito dahil sabi nga nila, kapag hindi natin ginamit ay posibleng mawala ito”, pahayag ni Velasco.
Ang Tagalog ng lalawigang Marinduque na tinatawag ding Marindukenyo sa iba pang Tagalog ay naiiba dahil sa pagkakabukdod ng isla ng Marinduque sa Luzon. Mapapansin sa wikang sinasalita sa silangang bahagi nito ang impluwensya ng mga nanahan na Bisaya at Bikolano sa lugar.
Ang Marindukenyo ay inilalarawan bilang “ugat na pinagmulan ng makabagong porma ng wika,” ayon kay Cecilio Lopez noong 1923, na sinasabing kakikitaan ng mga sinaunang katangian ng wikang Tagalog sa paraan ng pagsasalita ng mga matatandang Tagalog.
Sa huli ay pinasalamatan ni Gob. Velasco ang NCAA sa pangunguna ni G. Arthur P. Casanova, Kinatawan ng Wikang Tagalog gayundin, pinapurihan nito ang iskultor ng Bantayog Wika na si Luis E. Yee, Jr. – Marinduquenews.com