Marinduque, hangad ng DOT na maging ‘bike tourism destination’ ng Pilipinas

BOAC, Marinduque — Tinutulungan ng Department of Tourism (DOT)-Mimaropa ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque, partikular ang Provincial Tourism and Cultural Office, para makilala bilang pangunahing destinasyon sa bansa na nagsusulong ng bicycle tourism.

Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas na isinagawa sa Oriental Mindoro noong Hulyo 9, ibinalita ni DOT-Mimaropa Regional Director Roberto Alabado III na isa sa mga naging proyekto ng kanilang departamento ay ang magsagawa ng assessment at site inspection sa anim na bayan para buohin ang Marinduque Cycling Experience.

“The DOT had a product development program for the Marinduque Bike Tourism at mukhang na-identify na po natin ang mga ruta na pwedeng puntahan. We will be launching the program when the time comes, maghanda na po tayo ng mga pasilidad as we are hoping na pwede itong maging bike capital,” pahayag ni Alabado.

Maayos na mga daan, magandang mga tanawin, pinakamapayang probinsya sa bansa, at mayaman sa mga kultura at tradisyon ang ilan sa mga dahilan kung bakit nararapat ang bike tourism sa Marinduque.

Ang grupo ng mga siklista na inatasan ng Department of Tourism-Mimaropa para magsagawa ng assessment at site inspection sa Marinduque. (DOT-Mimaropa)

“Ang gaganda po ng mga daan diyan sa Marinduque. Mayroon din po na gustong gamitin iyong kanilang mga bisikleta para makaikot sa probinsya. Mayroon din po tayong mga cyclist na gusto ‘yong akyat panaog, very hilly at mayroon ding outdoor o offroad,” dagdag ni Alabado.

Sinangayunan naman ni Benedict Camara, director at founder ng National Bicycle Organization, na panahon na para ilunsad ang bicycle tourism sa tinaguriang puso ng Pilipinas na kapag nagkataon ay magiging pilot project o kauna-unahang proyekto ng DOT sa bansa.

“Akmang-akma po ang Marinduque loop para sa bike tourism. Sa katunayan ay mayroon na tayong na-develop ng mga packages kagaya ng mountain tour, sightseeing tour at loop tour, gayundin pasado na sa DOT ang Phase 1, Phase 2 at Phase 3 nang ginawa nating assessment sa probinsya,” sabi ni Camara.

Ang National Bicycle Organization, kasama ang Philippine Cycling, Philippine Tour Operators, Philippine Travel Agencies Association, National Association of Independent Travel Agencies at mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ang inatasan ng DOT para buohin ang bike tourism plan ng Marinduque na inumpisahan noong isang taon. — Marinduquenews.com

error: Content is protected !!