BOAC, Marinduque – Mapagpalang umaga sa ating lahat: sa ating panauhin tagapagsalita, Direktor Florida Dijan ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, Rehiyong Mimaropa; sa ating punong lalawigan, ang nanay ng Marinduque si Carmencita Reyes; sa ating kinatawan ng lalawigan sa Kongreso ng Pilipinas si Lord Allan Jay Velasco; sa punong bayan ng Boac, si Roberto Madla at sa ating punong barangay Antonio Jalotjot. Sampu ng mga ninuno nating may malasakit sa kasaysayan, kapayapaan at kalikasan, pagpalain tayo!
Sa araw na ito ay ginugunita ang kabayanihan ng mga ninuno natin sa Labanan sa Paye, isa sa apat na Labanan sa ating lalawigan: ang iba pang bahagi ng digmaang Pilipino-Amerikano ay naganap sa Bintakay, Kinyaman at Pulang Lupa. Nasa pagitan ng pagsasara ng Himagsikang Filipino at pagbubukas ng siglo-20 ang nangyaring Labanan sa Paye. Nasa proseso pa ng pagkabansa ang Pilipinas nang panahon na iyon at matingkad na bahagi ng kasaysayan ang pagkapanalo sa Paye at Pulang Lupa bilang ambag dito.
Mula sa libro ni P. Mirafuente (1963), “The History of Marinduque,” pahapyaw lamang na nabanggit ang “ibang” labanan na naganap sa ating probinsya. Nasa ikatlong kabanata, may simuno na American regime, ang maiksing tala “other encounters in Marinduque.”
Sa kasalukuyan, pagkatapos ng 118 taon ay nasa bingit naman tayo ng patuloy na globalisasyon at umaagapay sa makabagong teknolohiya. Hindi na tayo digital native kagaya ng mga millennial, mga dayo na lang tayo sa digital na panahon. Ano pa ba ang saysay ng pagbalik sa nakaraan? Bakit hindi pa tayo nakakamove-on sa Labanan sa Paye?
Sa panahon ng fake news, post truth at content generation, mahirap ibukod ang mahalaga sa hindi. Kåda 20 minuto ay nagbabago ang interes ng mga bata sa bilis sa takbo ng teknolohiya. Kaya mahirap mapukaw ang interes ng mga mag-aaral ng ika- 21siglo. Mainam pa noong dekada ‘60s, kung kailan higit na pinagtuonan ng pansin ng mga iskolar kagaya ni Ramon Madrigal (1963), sa kanyang aklat na “History of Marinduque” ang parehong pangyayari. May karagdagang detalye ang matatagpuan sa ika-15 kabanata: “the Filipino-American War (1899-1901)” tinukoy na ikalawang labanan
ang naganap sa Paye sa Boac.
Marahil sa tingin ng mga millennial, hindi na relatable ang okasyong ito. Subalit, hindi tayo makaabot sa panahon ng millennial kung hindi natin pinagdaanan ang yugto ng Labanan sa Paye. Ayon sa pagpapakahulugan ng ama ng Pantayong Pananaw, si Zeus Salazar: ang kasaysayan ay salaysay na may saysay.
Ang Labanan sa Paye ay salaysay tungkol sa mga bayani na tinuring na mga tulisan, bandido, indokumentado, insurrekto at iba pang kaugnay na katawagan ng mga kalaban. Ang Labanan sa Paye ay may pinangyarihan din tagpo, kung saan ang mga bayani ay nakaisa sa mga Amerikano. Ang Labanan sa Paye ay may saysay sa mga sumunod na labanan sa Marinduque maging sa bansa. Ang saysay nito ay hindi lamang sa mga apo ng mga bayani, taga Brgy. Balimbing o Bayan ng Boac kundi kahit sa buong lalawigan at rehiyon hanggang sa bansa.
Sa isang manuskrito ng lokal na mananalaysay, si Francisco Labay (1967), humalaw siya ng parehong primarya at sekondaryang batis sa sinupan ng Washington DC sa Amerika, Boac Trailers at mga mismong nakasaksi ng kaganapan sa Labanan sa Paye. Ani Labay, hindi lamang nagaganap ang labanan sa malaking isla ng Luzon kundi maging sa mga mas liblib na pook sa kapuluan. Pinorbahan ito ng salaysay ni Andres Manrique, kapatid nina Zacarias at Bernardo Manrique. Gayundin, sinegundahan ng nagmatyag na si Mauro Malcos at saksi sa labanan si Ignacio Magcamit. Hindi lamang mga lokal na batis ang kanyang sinangguni kundi maging mga opisyal na dokumento mula sa militar, kagaya ni First Lt. Horace Reeve ng third US Infantry Aide-de-Camp.
Muling sinipi rin ni Curtis Shepard, isang mananaliksik na namamahala sa ulongbeach.com na batis ng mga primaryang dokumento mula sa mga sinupan sa Estados Unidos. Sa kanyang inilathala sa website, “Marinduque – Its Role in the Wars for Independence,” tinukoy niya ang mga bayani ng Labanan sa Paye na sina Teofilo Roque at Pedro Lardizabal bilang mga pinuno ng militia. Ginamit din ni Eli Obligacion ang mga primaryang batis ni Shepard para mailarawan ang mga kaganapan sa Labanan ng Pulang Lupa at maging sa Paye. Ang dyornal na sinulat ni Andrew Birtle ay tinuturing nila pareho na pinakakomprehensibong tala tungkol sa pagsupil sa insureksyon sa Marinduque mula Abril 1900 hanggang Abril 1901.
Maaaring magresulta ang himagsikan sa pagkakaroon ng kapayapaan, mula dilim tungo sa liwanag. Batay sa siklo ng Bagong Kasaysayan: nagsimula tayo sa sinaunang pamayanan na maihahambing sa liwanag, ngunit dumating ang mga mananakop at nagkaroon ng dilim pero sa pamamagitan ng himagsikan, muling makasusumpong ng liwanag. Bago ang ginhawa na tinatamasa natin ngayon, dumatal muna sa mga ninuno natin ng Labanan sa Paye ang matinding bagsik. Mula sa sakripisyo ng mga bayani ng Labanan sa Paye at Pulang Lupa ay nagkaroon ng ginhawa ang ating mga kababayan. Bunga ng tagumpay na ito ay nagkaroon ng pagkakataon na makapagsarili ang Marinduque bilang ganap na probinsya sa Panahon ng mga Amerikano. Noong 1901 isa sa naging unang walong probinsya sa bansa, ang Marinduque.
Palagay nga ng maraming eksperto sa pag-unlad, rekisito ng kaunlaran ang kapayapaan. Hindi katakataka, kung bakit mariin ang atensiyon sa seguridad, kriminalidad, kaligtasan at kapayapaan. Ang lalawigan natin ay tinuturing na ligtas sa droga, walang pagmimina at bihira ang insidente ng krimen. Bakit kaya, sa kabila ng pagiging tahimik at payapa ng isang pook, mailap pa rin ang kaunlaran. Dati-rati ay katanggap-tanggap pa ang mga kategoryang “poorest of the poor,” ngayon ay hindi na, “disadvantaged” na lang daw. Mukhang wala namang sinulid na nag-uugnay sa pagunlad at kapayapaan. Ganito rin ang ubod ng “Indeterminacy” ni John Cage, isang kompositor halaw sa katahimikan ang mga piyesa. Ang musika ay hindi sumatotal ng mga nota at tunog kundi maaari rin namang mga rests o pahinga at katahimikan.
At sa isang himagsikan kagaya ng Labanan sa Paye, may awitin din ang rebolusyon. Kagaya ng isang pelikula ni John Torres, “Revolutions happen like chorus in a song,” ang katahimikan ay maaaaring matagpuan sa kalikasan. Sa tunog ng lagaslas ng tubig, pagpaypay ng mga dahon o pagpatak ng ulan sa lupa. Kagaya ng nabanggit, kung ang Labanan sa Paye ay salaysay na may saysay, ang Paye ay tagpo na pinangyarihan ng kasaysayan. Ang sitio ng Balimbing ay libong taon nang nariyan, wala pa tayo ang mga anyong tubig, pormang lupa,ang mga hayop at tanim ay bahagi na ng kalikasan. Ang kalikasan ay nariyan na bago tayo dumating, mananatili kahit wala na tayo. Dumaan man ang mahabang panahon, ang mga anyo o porma ay nagbabago kasabay ng paginog ng mundo. Kung babalikan ang mga Griyego, ang salitang ugat ng ekonomiya at ekolohiya ay parehong Oikos na ang ibig sabihin ay tahanan. Maging sa salitang-ugat ng kalikasan, ang likas ay nangangahulugan na hindi gawang tao o likha lamang ng kamay kundi nariyan panghabang panahon. Kung kaya kung babalik sa nakaraan, ang ilog natin ay nagsilbing tahanan ng mga anyong buhay na nagpanatili sa mga ninuno natin. Kung hindi lamang sa gawang-tao na basurang mina ay mananatili ang ating kabuhayan sa ilog. Ito ang bahagi ng kalikasang naging saksi at lunan sa makasaysayng pangyayaring ginugunita natin sa panahong kasalukuyan.
Kagaya marahil ng paliwanag ni Prospero Covar, ang pasimuno ng Pilipinolohiya, ang pagkataong Pilipino ay maihahalintulad sa banga: may loob, labas at lalim. Ang ating pagkatao ay matatagpuan din sa ating kalikasan. Sa mga sinaunang pamayanan, ang mga nagsimula sa ilog, bundok o dagat ay nagkakaroon ng katangiang kagaya ng mga elementong matatagpuan dito. Kung kaya, hindi nagkataon lamang sa ilog o ilaya naganap ang Labanan sa Paye. May mga katangiang panlabas, panloob at malalim ang Labanan sa Paye. Ang okasyong tulad nito ay panlabas na anyo lang ng diwa ng Labanan sa Paye. Kahit ang pagdalo sa taunang encampment ay maaaring panlabas lamang. Higit dito ay mahalaga ang panloob na nagbibigay ng diwa sa pagdiriwang. Hindi agad nakikita ang panloob ngunit nararamdaman.
Kaya naman, pinakamahalaga ay ang malalim na ibig sabihin ng Labanan, ang sagot sa tanong na bakit at paano humantong ang Labanan sa tagumpay. Ang Paye na matatagpuan sa Brgy. Balimbing at kabilang sa pook na dinadaanan ng Ilog Boac mula sa Hinapulan hanggang sa kabilang ilog na dinadaluyan ng basurang mina ay panghabambuhay na magkakaugnay dahil sa daloy nito tungo sa bunganga ng ilog. Mayroong makabagong pangyayari na nakaapekto sa daloy ng ilog, maging sa takbo ng kasaysayan: ang pinsalang naidulot ng pagmimina sa lalawigan ng Marinduque. Partikular sa bayan ng Boac noong Marso 1996 nang nagpakawala ng basurang mina sa Ilog Boac na siyang kumitil ng buhay nito. Sino nga ba ang nagmalasakit sa atin? Ano ang pakikidalamhati ng kapwa nang mangyari ang pagbaha, pagkakasakit, pagkalason at pagkawala ng kabuhayan?
Taong 2013, tatlong malawakang sakuna ang nagdulot ng sakit at dalamhati sa mga kapatid nating Bisaya at Mindanawon. Nanalasa ang pinakamabalasik na unos sa kasaysayan ng bansa, ang bagyong Yolanda. Gayundin, nagkaroon ng sunod-sunod na lindol sa gitnang Bisayas na gumupo sa mga sinaunang simbahan partikular sa Bohol at Cebu. At hindi natapos ang taon nang hindi naapektuhan ang mga inosenteng bakwit sa Zamboanga dahil sa pagkubkob ng datihang pinuno ng Moro National Liberation Front.
Nito lamang ika-dalawa ng buwang kasalukuyan ay natupok ang mga pamanang bahay na pinangalan sa mga bayani ng Labanan sa Paye: ang Maharlikang Tahanan ni Kapitan Piroco at Bahay ni Tomas Roque. Apat na barangay ang naapektuhan: ang Mercado, Malusak, Murallon at San Miguel ay napasailalim sa State of Calamity. Sa kabila nito, tumulong ang mga residente maging ng mga taga-ibang bayan para maapula ang sunog.
Ayon kay Virgilio Enriquez, ang tagapagtatag ng Sikolohiyan Pilipino, ang malasakit ay likas sa mga Pilipino, hindi lamang sa panahon ng mga sakuna. Tuwirang maoobserbahan ito sa pakikipagdalamhati sa ibang tao o kapwa. Hindi palaging kakilala natin ang pinagmamalasakitan, kahit hindi kilala o kaano-ano ay nagagawa pa rin nating tumulong lalo na sa panahon ng sakuna. Sabi nga sa isang komperensya ng mga mananalaysay mula sa mga Austronesyang bansa kagaya ng Pilipinas, Indonesia at Malaysia, walang estranghero o banyaga kundi mga datihang kaibigan na hindi pa lang nakikilala.
Muli, ako po si Randy Nobleza, apo sa talampakan ni Cabeza Simon Nobleza, isa sa naging bahagi ng Labanan sa Paye. Narito ang aking amang si Edgardo Nobleza, anak ni Macario Nobleza na pinsang buo ni Pablo Marquez. Dating Provincial Auditor ang aking lolo Kayong at naging hepe ng Hospital ng Marinduque ang aking Lolo Pablo. Ang kanilang Tiyuhing kung tawagin ay Simon ay isinunod ang pangalan sa kanilang lolo, si Simon Nobleza. Mabuhay ang mga naniniwala at nanaitiling buhay sa puso ang diwa ng Paye: Malasakit sa Kasaysayan, Kapayapaan at Kalikasan. Mabuhay ang diwang Boakeno, Mabuhay ang diwang Marindukanon! –Marinduquenews.com