Matapos mag-inspeksyon ang Mines and Geosciences Bureau, itinuturing naman ngayon ng Department of Health na delikado na sa publiko ang abandonadong Marcopper Mining Corporation minesites sa lalawigan ng Marinduque.
Ayon kay Mimaropa regional health director Eduardo Janairo, naging basehan nito ang iniulat ng mga local officials na leaks o tagas sa isa mga dam ng minahan. Batay sa 1996 report ng United State Geological Survey, tinukoy nito ang Makulapnit at Marcopper’s Maguilaguila Water Dam na parehong nasa state of imminent danger of collapsing.
Janairo: Delikadong delikado lalo’t marami nang infrastructures na kailangang gawan ng paraan. May mga butas, may mga tumutulo na at ang isa pang pinakamalaking problema nito, malapit ito sa fault area. Kaya anytime, paglumindol biglang malaking baha ang mangyayari, malaking kontaminasyon ang mangyayari.
Isang pulong din ang inorganisa ng DOH kasama ang ibat-ibang ahensya ng gobyerno, maging ang provincial government ng Marinduque.
Pangunahing pinag-usapan ang mga concerns ng publiko sa integridad ng dekada tagal nang minahang ito. Pati na din ang paghingi nila ng tulong sa national government at ilan pang law enforcement na samahan silang makipag-ugnayan sa may-ari nito lalo’t wala daw pinapapasok sa minahan.
Rehabilitasyon din ang kanilang nais isulong dito.
De Jesus: We have already touched base with the office of the solicitor general and in fact, they are going to Marinduque this week to conduct observation including Marcopper.
Reyes: Because immediately after the disaster of March 24, 1996, wala ng makausap tungkol sa Marcopper. In 2003 sinabing ganon ng Placer Dome, 12M daw ipe-pledge, they will do the rehabilitation, what did they do?
Janairo: We are marketing Marinduque as a tourism-based destination. Pero…mawawala ‘yon and then we are doing organic in Marinduque pero kung ‘yong tataniman mo contaminated, useless ‘yong organic mo.
Nauna na din daw nagpadala ng 8 member team ang MGB sa lugar kung saan daw natagpuan ang sira sa diversion tunnel ng Makulapnit Dam sa barangay Hinapulan sa Boac. Banggit pa ni Mimaropa MGB director Roland de Jesus na naging kontribusyon sa deterioration ng mining tunnel ang matinding ulan na dulot ng bagyog Nina.
Bukod dito hinikayat din nila ang Kongreso na makipagtulungan sa pagbuo ng solusyon sa problema ng minahan.
Samantala, inilatag naman ng Department of Science and Technology (DOST)-MIMAROPA ang ilang mga ginawang pag-aaral ng mga dalubhasa para hindi maapektuhan ang kalikasan at hindi makontamina ang tubig.
DOST: Ito po ay study from UP Diliman, ‘yong cocopeat po ay from coconut husk which has been evaluated to have high potential in removing heavy metals. ‘Yong results po ay nagpakita na generally effective po siya na magregulate o magtanggal ng heavy metals.
Ang mga hakbang at pagkakaisa ay alinsunod sa pagnanais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magkaroon ng maayos at ligtas na lipunan at mapangalagaan ang kapaligiran.