Laging may unang pagkakataon para sa lahat ng mga bagay na kumikinang at maganda na dumating sa atin. Si Joseleo “Leo” Logdat, baritono, ang ating homegrown multi-awarded international classical artist, sa loob ng maraming taon, ay nagbigay ng inspirasyon at kagalakan sa mga Marinduqueňo sa pamamagitan ng kanyang musika.
Siya ang nasa likod ng pagtatatag ng Musika sa Isla Orchestra sa Marinduque na binubuo ng mga kabataan mula sa iba’t ibang lugar sa lalawigan para sanayin sa pagtugtog ng violin, viola at cello. Si Logdat ang tumuklas sa iba pang mga ‘promising baritones’ sa probinsya upang magsanay rin at siya rin ang naghikayat sa iba pang mga musikero sa ibang lugar para magtatag ng isang pangkat ng mga manunugtog, at ibahagi ang kanilang musika sa iba pang lalawigan.
Si Leo, na kasalukuyang nominado bilang Best Classical Male Singer sa darating na Aliw Awards, ay nakatakdang dalhin sa Marinduque ngayong panahon ng kapaskuhan ang isang classical concert na tinaguriang “Christmas Concert in Mystical Marinduque”. Sa Convention Center ito gaganapin, Miyerkules, Disyembre 18, 2019, 6:30 ng gabi.
Naitanghal na ni Leo ang konsiyertong ito sa nakaraang dalawang taon sa Iloilo at Albay bilang outreach program ng kanyang grupo, pakay na maibahagi sa madla ang kanilang musika.
Ang konsiyertong ito ay handog ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque sa pangunguna ni Gov. Presbitero Velasco, Jr., ng opisina ng Kongresista na si Lord Allan Jay Velasco at ng Marinduque Centennial Committee. Ito ay bahagi ng countdown para sa pagdiriwang ng centennial sa darating na Pebrero 21, 2020. Naglalayon din nitong itaguyod at mapahusay ang estado ng kultura, sining, turismo sa lalawigan, at upang itaas ang kamalayan sa darating na sentenaryo.
Ang mga bumubuo ng Amici Chamber Orchestra ay sina Timothy Hidalgo (violin 1), Eleazar Mangui (violin 1), Errol Sinag, (clarinet), Dave Jorvina (trumpeta), Christian Taroy (trumpeta), Oscarviv Sto. Nino (violin 2), Renjay Lapira (trombone), Pauline Denito (viola), Jasmine Rain Antonio (plauta), Ronnie Agulay (tuba), Christine Joy Limon (horn), Francis Manuel (euphonium), at Melchor Constantino (percussion) kung saan saan si Joseleo Logdat ang conductor.
Ang Vocale Filipina ay binubuo nina sopranos Erielle Fornes, Via Villasin at Nelle Victor.
Ang I Baritoni, ay binubuo nina Jay Mangui, Ronnel Mauzar at Leo Logdat, lahat ay pawing mga taga-Marinduque.
Mga piling miyembro ng Musika sa Isla Ensemble na mga taga-Marinduque ay kasama rin sa konsiyerto para sa isang espesyal na bilang. Sila ay sina Yesha Barola, Danielle Ampeloquio, Josette de la Santa, Clarisse Menorca, Mika Lagran, Bea Nace at Zriel Mangui.
Samantala, inaanyayahan ni Gov. Velasco ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan, pambansang ahensya, mga pinuno ng barangay at kabataan, mga paaralan, mga grupo ng mga negosyante, CSOs, mga religious organisations at publiko na manood at makiisa sa kauna-unahang Christmas concert na ganito sa ating lalawigan. – Marinduquenews.com