Bilang bahagi ng paggunita sa ika-97 na anibersaryo ng kasarinlan ng lalawigan ng Marinduque, muling bubuhayin ng Department of Tourism (DOT)-Marinduque ang pagtugtog ng kalutang, isang instrumento na nagmula at nabuo sa bayan ng Gasan.
Sa pakikipagtulungan ng National Commission of Culture and the Arts (NCCA) at Department of Education (DepEd) Marinduque, ninanais ng mga ahensyang ito na ibahagi at ipakalat ang kaalaman ng mga miyembro ng Pangkat Kalutang sa mga mag-aaral ng mababa at mataas na paaralan sa probinsya kung papano tugtugin ang kalutang.
Sa pagpapalaganap ng kakayahan sa paggamit nito, nagkaroon ng lingguhang pagsasanay ang bawat guro mula sa anim na bayan ng probinsya noong taong 2016 na pinangunahan ni Maestro Tirso Sardena, pinuno ng Pangkat Kalutang kasama ang mga miyembro nito.
Ayon kay Ricardo Asuncion, officer-in-charge ng DOT Marinduque, ang pagtugtog ng kalutang ay lubha niyang pinangangambahang mawala sapagkat hindi ito nabibigyang pansin. Isa ang Kalutang sa tatlong ipinagmamalaking ‘intangible traditions’ ng lalawigan bukod sa Putong at Moriones. Dagdag naman ni NCCA Chairman Felipe de Leon, Jr., lalo raw maghihirap ang kulturang Marinduqueno kung hahayaan itong mapabayaan at tuluyang mawala.
Kaya naman sa nilagdaang executive order ni Gob. Carmencita O. Reyes, ninanais ng pamahalaang panlalawigan na gawin ngayong taon ang kauna-unahang Kalutang Festival upang maitampok at maipakilala ang kulturang ito sa kaalaman ng mga kabataan at mamamayan. Bukod pa rito ay nais din ng pamahalaang panlalawigan na isama sa kurikula sa asignaturang Music, Arts, Physical Education and Health (MAPEH) ang konsepto ng pagtugtog nito.
Binigyan naman ng paksang “Lutang Kalutang” ang paglulunsad ng nasabing festival ng DOT Marinduque at ng pamahalaang panlalawigan.