Pinangunahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang ‘ceremonial turnover’ ng bagong 5×1.0 Megawatts (MW) Modular Unit na pakikinabangan ng may 52,000 kabahayan sa probinsya ng Marinduque.
Sinabi ni Cusi na ang pag-a-upgrade ng supply ng kuryente sa lalawigan ay isang welcome development sapagkat ang kasalukuyang 9MW power demand ng Marinduque ay magiging doble sa susunod na limang taon.
“With such increasing power requirements, we need to re-think our current electric power infrastructure to introduce more innovative strategies in ensuring the provision of an adequate electricity supply while securing the lowest rate,” bahagi ng pahayag ng kalihim.
Samantala, sinabi ng pangulo at CEO ng National Power Corporation (NPC) na si Pio Benavidez na ang karagdagang 5MW generating sets ay makatutulong sa Boac Diesel Power Plant (DPP) na matugunan ang pagtaas ng demand at maipagpatuloy ang 24 oras na operasyon nito sa isla kasama ang iba pang pasilidad ng Napocor kagaya ng Torrijos DPP at Power Barge 120.
Inihayag din ni Benavidez na mayroon pang 4MW ‘for bidding’ sa susunod na taon at inaasahang mapapakinabangan ng probinsya sa 2019.
Dumalo naman sa okasyon sina Marinduque Congressman Lord Allan Velasco, Gobernador Carmencita Reyes, pinuno nga mga lokal na tanggapan ng munisipyo at baranggay.
Photo credit to the owner