Kagaya ng awitin ni Nora Aunor na may pamagat na “Kahit Konting Awa”, nagtatanong ang mga residente sa tatlong barangay sa bayan ng Santa Cruz kung sino baga talaga ang mapalad? Sino baga talaga ang kaawa-awa? Ang mga namumuno ba sa pamahalaan na napanis na ang laway sa kapapangako o ang mga mamamayan at mga estudyante na nagpapakahirap tumawid sa sirang tulay na dekada na nilang pinagtitiisan at pinoproblema?
“Kalbaryo para sa mga mag aaral, perwisyo sa mga mamamayan”. Iyan ang madalas na marinig na mga reklamo at mabasa sa social media lalo na sa Facebook dahil deka-dekada na ang problema ng mga residente sa tulay na nag-uugnay sa Barangay Pulong Parang at Barangay Napo sa bayan ng Santa Cruz, Marinduque.
Tuwing bumubuhos kasi ang ulan, inaagos ng malakas na daloy ng tubig na nagmumula sa Santa Clara Dam ang napakababang tulay na nagdurugtong sa dalawang nabanggit na barangay na dinaraanan naman ng mga mamamayan at mga mag-aaral na nagmumula sa tatlong barangay kagaya ng Pulong Parang, Masalukot at ilang mga taga Barangay Tambangan.
Ang problema, kapag nadala ng agos ng tubig ang tulay, kinakailangang maglakad nang kilo-kilometro ang mga biyahero, upang marating ang tabing ilog kung saan sasakay sila ng jeep papuntang kabayanan dala-dala ang mga mabibigat na kalakal upang ibenta doon. Ito kasi ang kanilang pangkaraniwang ikinabubuhay. Delubyong maituturing naman para sa mga mag-aaral na pumapasok sa Makapuyat National High School (MNHS), Saint Joseph Academy (SJA), Marinduque State College (MSC) at Santa Cruz Institute ang sitwasyong ito. Napipilitan kasi silang maglakad nang napakalayo at tawirin ang malakas na agos ng tubig tuwing kasagsagan ng mga pag-ulan.
Isa sa mga pang-agarang solusyon na ginawa ng sangguniang barangay at mga mamamayan noong mga taong 1996 hanggang 2002 ay ang pagtambak ng mga buhangin na nakasilid sa sako upang kahit paano ay mahadlangan ang pag-anod ng tulay tuwing may malakas na mga pag ulan.
Nakasasawa mang manawagan sa mga kinauukulan na dapat at sila sanang may sapat na kakayahan upang matugunan ang pagsasaayos ng nasabing tulay ay muli natin itong gagawin at hindi natin sila tatantanan.
Kaya naman, sa mga talipandas este taliwas, ay talentado palang elected officials, diyan sa munisipyo ng Santa Cruz, ginagawa po ng ordinaryong mamamayan ang kanilang parte. Labas-labas naman po kayo diyan sa inyo-inyong mga lungga at for sure naman ay marami kayong oras para tumunganga. Hindi iyong ang isasagot ninyo ay, “Sige, papupuntahan ko na laang po sa aking mga tauhan para matingnan ang pinsala”.
Buwetri, ilang beses na naming nabasa at narinig ang mga litanyang iyan.
Nakapanggigigil ay, daaanin na laang natin sa kanta, “Hello, Hello, Hello! Hello, how do you do? I’m sad I voted you and you and you and you! Grrrr!
Par-oni po baya ninyo ng personal ng makita ng inyong dalawang ilong este mata pala ang kondisyon ng tulay. Oh my! Tralalala-lalalala. Tralalala-lalalala. Hindi pa pala tapos ang kanta.
Bago pa iyan, napakatagal na pong panahon ang lumipas, mga ilang administrasyon na rin sa pamahalaan ang dumaan subalit paulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit-ulit lamang din ang kalbaryo ng mga tao. Kapag bumaha, maaanod ang tulay, tatambakan ng ‘pansamantala’, uulan at aanurin na naman.
Nakapapagod, nakasasawa! Nakauumay at nakababarino na rin ang mga reklamo subalit tila yata bulag, pipi at bingi na o sabihin na nating sila yata’y tila manhid na sa reklamo ng mga apektadong mamamayan.
Read also: Pinabayaang proyektong tulay sa bayan ng Torrijos, kalbaryo sa mga residente
Mga sir at mga ma’am, mayor, governor, congressman, bokal, konsehal at mga bise-busyhang lingkod bayan, hindi po baga’t noong panahon ng kampanya, kasama iyan sa inyong mga plataporma? Anyare beshie? Palagi na laang baga kayong magabubul-an? Oh siguro dahil ang election ay pera-pera laang? Dyuskopo Rody! Di baga’t ayaw ng Tatay Digong ng gay-an?
Maawa naman po kayo sa maliliit na residente. Solusyong pangmatagalan at hindi pakitang tao lamang ang hiling naming mga mamamayan. Hindi masama kung kayo ay magbakasyon ng engrande at todo-todo at libutin ang buong kapuluan at mundo, basta huwag kalimutan ang mga botanteng sa inyo ay nagluklok sa pwesto. Hindi rin masamang bumuntot sa mga lakad ng pangulo basta huwag pabayaan ang mga mamamayang dapat ay paglilingkuran ninyo. Sabi ngani, malapit sa puno malayo sa palo. Ibahin natin ng kausni ‘yong malapit sa puno madaling pumitas ng bunga. Patikimin din naman ninyo kami, hindi iyong kayo laang ang naranas ng ginhawa, tama po baga? Hindi rin naman masamang tumanda lalo na kung may inakatandaan higit sa lahat mayroon man laang legacy na maiiwan sa mamamayang pinagsilbihan ng napakahabanggggggggggggggggggggggggg panahon. 10x to the second power raised to 85 na baga si nanay?
Inuulit at dalangin ko, nawa ay maayos na po ang tulay sa aming lugar sa lalo at madaling panahon. Bigyan naman ninyo kami, “Kahit na Konting Awa”.
Ang Marinduque News Network ay bukas para sa anumang pahayag mula sa mga kinauukulan hinggil sa usaping ito.
Isinulat ni Ricky Reginio at inilimbag ni Romeo Mataac, Jr. para sa Marinduque News Insight Section: Opinyon ni Ka Ngani .