BOAC, Marinduque — Naalarma na ang Provincial Veterinary Office ng Marinduque sa dumaraming kaso ng mga nakikitang patay na pawikan sa dalampasigang sakop ng lalawigan.
Ayon kay Dr. Josue Victoria, hepe ng PVO, simula Enero ngayong taon, 7 pawikan na karamihan ay babae at may edad 10-30 taon ang nakita nilang patay.
Pinakahuli ang naaagnas ng green sea turtle na namataan nitong Lunes sa dalampasigang sakop ng Barangay Bunganay sa Boac.
Sa pagsusuri, nakita ang malalaking bukol at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng pawikan na posibleng dahil umano sa ilegal na pangingisda.
“Ang hinala namin malapit sa feeding areas ng mga pawikan nagaganap ang mga ilegal na pangingisda. Meron din kaming cases na may indikasyon ng blast fishing,” ani Victoria.
Dagdag niya, bukod sa masamang epekto sa turismo, malaki rin ang magiging epekto ng pagkamatay ng naturang hayop sa kalikasan.
This story was first published on ABSCBN