Lingid sa kaalaman ng marami maging ng ilan sa mga taga-Mariduque, tahanan ang bayan ng Gasan ng isa sa mga katutubong instrumentong pangmusika na mayroon tayo sa Pilipinas. Katutubo dahil wala itong bahid ng anumang impluwensyang panlabas o dayuhang kultura, orihinal na umusbong at nabuo sa lokal na pamayanan kung kuya’t tunay na maipagmamalaki ng marami bilang sariling atin—ang kalutang (ka’-lu’-tang).
Taong 1970s nang madiskubre ni Maestro Tirso Serdeña, isang magtutuba sa bayan ng Gasan, naging tagapagtatag at pinuno ng “Pangkat Kalutang” sa Marinduque at kinikilala ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) bilang isa sa mga culture bearer ng bansa, na maaaring makapagbigay ng melodiya at kaaya-ayang tunog ang isang pares ng kahoy kung bahagyang pagsasalpukin ito sa isa’t isa.
Ayon mismo kay Maestro Tirso, nagpapahinga siya noon sa bukid ng maisipan niyang humawak ng kalutang at subukang tugtugin ang katutubong awitin na Sitsiritsit gamit ang pares ng kahoy. Aniya, mayroon lamang apat na nota: SO-FA at RE-MI ang mayroon sa hawak niya.
Ang kalutang ay pares ng kahoy na yari sa puno ng kwatingan o twatingan (Pterospermum obliquum), isang endemikong species na matatagpuan lamang at tumutubo sa Marinduque. Maaari ring gamitin ang puno ng bayog (Pterospermum diversifolium/P. Acerifolium) sa paggawa ng naturang instrumento. Mula sa sanga ng kwatingan at bayog, nilalagari at kinakatam ito upang maging hugis silindrikong pahaba na naaayon sa nais na nota at tunog na magawa. Samantala, nabuo naman noon ding 1970s ang “Pangkat Kalutang” na mayroong walong orihinal na manunugtog ngunit sa kasalukuyan ay magkakaibang edad at henerasyon na ang bumubuo sa grupo kabilang na si Maestro Tirso.
Paraan ng Pagtugtog
Mula sa SO-FA at RE-MI binuo rin ni maestro Tirso ang mga natitira pang nota na DO, TI, at LA kung saan ang bawat miyembro ay mayroong hawak na tig-iisang pares ng kalutang at tinutugtog sa magkakaibang tiyempo o kumpas. Maririnig sa pinakamahabang kalutang ang DO na pinakamalagong sa lahat habang ang pinakamaikli naman ang nagbibigay ng pinakamataas na nota. Tinutugtog ang kalutang sa pamamagitan ng maluwag na pagkapit dito at sali-salitang pagtatama batay sa sinusundang ayos ng musikal na nota ng isang awitin.
Itinuturing na isa sa mga cultural gem ng lalawigan ang kalutang at itinatampok maging sa labas ng probinsya.
Kalutang Festival
Sa pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque, Department of Education (DepEd), at Department of Tourism (DOT), idinaos noong Pebrero 2017 ang kauna-unahang Kalutang Festival na may temang “Lutang Kalutang” at dinaluhan ng iba’t ibang grupo ng mag-aaral sa elementarya mula sa anim na bayan ng lalawigan. Kaisa ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), layunin nito na higit pang paunlarin at bigyang pagkilala ang instrumentong kalutang bilang isa sa mga natatanging kultura ng probinsya.
Ang kalutang ng Marinduque ay opisyal na nakatala sa imbentaryo ng NCCA ng Philippine Intangible Cultural Heritage. Kabilang din dito ang pagdiriwang ng popular na Moriones festival na kasalukuyang nasa nominasyon upang mapabilang sa UNESCO Intangible Cultural Heritage Lists, seremonya na putong o tubong, pasyon o pabasa sa mas lokal na katawagan, novicio/novicia, at mga ritwal na antipo at pupuwa na karamihan ay isinasagawa tuwing Semana Santa—panahon kung kailan ang kalutang din ay tinutugtog saliw ng mga prusisyon at namamanata.
Marinduque Kalutang School of Living Traditions
Bago pa man ang Kalutang Festival, una nang nabuo ang Marinduque Kalutang School of Living Traditions, isang pagsasanay sa pagtugtog ng Kalutang tuwing Sabado na tumagal ng tatlong buwan. Si maestro Tirso Serdeña ang nagsilbing resource speaker habang kaguruan ng Department of Education Marinduque ang naging kalahok. Ang Kalutang SLTs ay binuo sa paghahangad ng Marinduque Tourism Council, at partisipasyon ng NCCA at DepEd Marinduque na mapaigting pa ang kaalaman tungkol sa instrumento at maituro ang pagtugtog nito sa mga eskwelahan. Ito rin ay nagtapos noong Hulyo 2012.
Matatandaan na mayroon na ring nakatakdang inisyatiba noon ang Pamahalaang Panlalawigan, sa ilalim ng pamunuan ng dating gobernador Carmencita O. Reyes, upang gawing bahagi ng MAPEH (Music, Arts, PE, and Health) curricula sa elementarya ang pagtugtog at pag-aaral ng kalutang.
Kung maipagpapatuloy ang ganitong mga programa, malaki ang maitutulong nito upang mapanatili ang kaalaman at husay sa pagtugtog ng kalutang na noon pa man ay pinangangambahan nang mawala. Sa ganitong paraan, magagarantiya ang intergenerational transmission o pagkatuto ng mas nakababata mula sa mga magulang o tagapagturo kung ang kultura ay direktang pagiibayuhin sa paaralan. Ito rin ay upang mabigyan ng katutubong lapit ang edukasyon ng sining at musika sa Pilipinas na matagal nang nakatali sa kanluraning pedagohiya, teorya, kasaysayan, at modelo.
Bilang sagisag kultura, lubhang mahalaga ang pagpapatuloy ng kalutang, maging ng iba’t ibang ritwal o penitensya tuwing Mahal na Araw, mga alamat at awiting bayan ng lalawigan, upang ang mga ito ay manatiling bahagi ng ating kultura at identidad. Sapagkat walang kultura kung walang lipunan at ang lipunan na walang kultura ay walang pagkakakilanlan.