Inaalay ko ang kolum na ito sa mga taga-Marinduque dahil marami akong mga kaibigan doon.
Mas kilala ang Marinduque sa Pista ng mga Moriones at dinudumog ng mga turista tuwing summer.
Pero, malaki ang naging dagok sa mga Marinduquenyo ng pandemya, umaasa pa naman ang marami sa kanila na magsisimula na ang kanilang pagbangon.
Ngayon sanang Semana Santa ay baka pwede nang masilip ang Moriones at pasyalang mga beach at ipinagmamalaki pa nilang paru-paru sa isla.
Kaya lang, dahil nga sa mukhang parating na ikatlong yugto ng COVID-19, mauudlot ito.
Pero meron pang mas malalim na lungkot sa mga Marinduquenyo.
Ginugunita ngayong Marso 2021 ang ika-25 anibersaryo ng isa sa pinakamalubhang sakuna ng kalikasan dito sa Pilipinas.
Noong 1996 nangyari ang “Marcopper Mining Tragedy.” Nabutas ang isang “drainage tunnel” ng Marcopper Mines, at nagtapon ito ng mahigit isang milyong tonelada ng lusak ng mina.
Nalason ang Mogpog River, nasira ang mga taniman at meron pa ngang namatay na dalawang bata. Umabot daw sa Mindoro at Batangas ang epekto ng pagdumi sa karagatan.
Nauna rito, halos dalawang daang tonelada ng mine tailings o dumi ng minahan ang itinambak sa baybayin ng Calancan mula 19795-1991.
Ayon sa mga report, ligal naman daw ang pagtatapon sa baybayin, dahil nga wala pang maayos na batas sa pagmimina noon. Taong 1995 na kasi nang maisabatas ang Philippine Mining Act o RA 7942.
At sa haba ng panahon ng paghihirap ng mga apektado ng trahedya, mailap pa rin ang hustisya.
Hindi pa tapos ang paglilinis at rehabilitasyon sa mga ilog at baybayin. Hindi nabayaran ang mga bikitima at ang pamahalaan ng Marinduque.
“Biologically dead” pa rin ang mga ilog ng Boac at Mogpog. Hindi nakumpleto ang tulong medikal sa mga nasalanta.
Marami nga sa mga nagsampa ng kaso sa Marcopper ay nagsitanda na at ilan sa kanila ay mga namatay na. Pero wala pa ring linaw na makakamtan nila ang tunay na katarungan.
Pero naniniwala ako na babangon muli ang Marinduque. Sa pangunguna ng mga lokal na pamahalaan at pakikiisa ng mga magigiting na Marinduquenyo, lalo na ang mga kabataan, tumitindig at bumabawi na ang isla.
Sa ibang kolum ko na lang ikukwento ang mga naging tulak para bumangon ang lalawigan. Sa ngayon, alay ko ang panalangin at pag-asa para sa kanila.
Ang salaysay na ito ay unang inilimbag sa Remate sa Kolum na Alin ang Naiiba ni Alin Ferrer