Maskara at Pandemya

Sa pagsisimula ng Pebrero ngayong taon, kaagad na bumungad sa atin ang dagdag panukala ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Health (DOH) na sapilitang pagsusuot ng ‘face mask’ sa mga pampubliko at pribadong mga sasakyan bagama’t ang drayber at mga pasahero ay pawang miyembro ng iisang pamilya lamang.

Umani ng kaliwa’t kanang reaksyon mula sa publiko at maging kay Sen. Grace Poe ang aniya ay hindi responsableng patakaran kung pati mga miyembro ng iisang kabahayan ay paghihigpitan sa pagsusuot ng face masks. Sa ilalim ng Land Transportation Office (LTO) Memorandum Circular No. 2020-2185, ang anumang paglabag ay maihahalintulad sa ‘reckless driving’ at may kaukulang multa na umaabot sa P10,000 hanggang P30,000.

Ang pagsusuot ng ‘face mask’ ay lubhang mahalaga kung kaya’t ganoon na lamang ang paghahangad ng pamahalaan na gawin itong mandatoryo anumang pagkakataon. Ito ay sa kabila ng kinahaharap nating pandemya at hindi pa nasisimulan na programa sa pagbabakuna kontra COVID-19.  Subalit hindi lamang ‘face mask’ ang uri ng maskara na napapanahon.

Sa pagbubukas din ng Pebrero, dalawang pares ng maskarang moryon ang nakasubasta sa isang popular na auction house sa Makati City. Ang mga naturang maskara ay ginagamit tuwing Moryonan sa lalawigan ng Marinduque. Maituturing na ‘bihira’ ang mga ito dahilan sa katandaan at pananatiling buo makalipas ang ilang dekada.

Parehong yari sa kahoy, tulad ng dapdap at santol na tradisyunal na ginagamit sa paglikha ng maskarang moryon, ang unang pares ay buhat pa noong circa 1970s habang ang pangalawa naman ay mula sa pagtatapos ng ika-20 siglo. Mistulang maganda ang naging pag-iingat ng mga nagmamay-ari nito upang mapanatiling maayos ang kondisyon at kabuuang anyo ng mga maskara. Nagtapos din ang auction noong Pebrero 6 at nabili ang mas antigong pares sa halagang P32,000. Ngunit, higit pa sa salapi ang halaga, kahulugan, at ipinahihiwatig ng mga ito sa kultura at identidad ng ating lalawigan. Lalong mainam kung ang mga maskara ay muling maibabalik sa ating probinsya, sapagkat malaki ang maiaambag nito sa kasaysayan ng tradisyunal na paggawa ng maskarang moryon.

Ang Pebrero ay buwan na itinuturing ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at iba pang sektor bilang National Arts Month o selebrasyon ng mga natatanging sining-kultura ng bansa. Ang maskara na ginagamit ng mga namamanatang moryon tuwing Mahal na Araw ay produkto ng malikhaing pag-iisip at paggawa, kung kaya’t hindi maitatangging isang sining na kakabit ng ating pagkakakilanlan at mga paniniwala. Bilang isang sining, maaari itong tingnan nang hindi naaayon sa iisang relihiyon o pananampalataya lamang kundi batay sa ating indibidwal na karanasan, pagpapahalaga, at kahulugan. Ang obserbasyon ng Moryonan o Moriones Lenten Rites sa Marinduque at ang sining ng paggawa ng maskarang moryon ay kabilang sa opisyal na imbentaryo ng NCCA ng Philippine Intangible Cultural Heritage (ICH).

Sa panahon ng pandemya, ito na marahil ang pangalawang pagkakataon na hindi maaaring makapaglunsad ang ating lalawigan ng taunang Moryonan sa pagsapit ng Mahal na Araw. Ngunit sa muling pagbubukas ng Pambansang Museo ng Pilipinas Marinduque-Romblon Area sa bayan ng Boac, ilulunsad naman ang isang permanenteng eksibisyon na pinamagatang “Moryonan: Art and Devotion” —tampok ang makukulay at iba’t ibang uri ng maskarang moryon ng lalawigan. Ito ay bahagi ng pagkilala ng Pambansang Museo sa Moryonan bilang isa sa mga natatanging tradisyon ng mga taga-Marinduque tuwing Mahal na Araw.

Isang pasilip sa pinakabagong eksibisyon ng National Museum of the Philippines Marinduque-Romblon Area Museum na matutunghayan ng publiko sa muli nitong pagbubukas. Makikita ang detalyadong pagkakalatag ng iba’t ibang uri ng maskarang moryon mula sa National Ethnographic Collections ng Museo. (Larawan mula sa National Museum of the Philippines).

Ang Pambansang Museo ng Pilipinas at mga sangay nito sa iba’t ibang panig ng bansa ay nananatiling sarado sa publiko. Pansamantalang nagsara ang Museo bilang bahagi ng ginagawang pag-iingat ng pamahalaan laban sa COVID-19, kabilang na rito ang Marinduque-Romblon Area Museum na kasalukuyang nasa proseso ng paghahanda para sa mga susunod na eksibisyon at gawain. Sa muli nitong pagbubukas, maging kaakibat nawa ng ating ‘pagbabagong normal’ ang pagkakaroon natin ng interes sa Museo bilang natatanging repositoryo ng kultura sa lalawigan, mayroon mang pandemya o wala. Magandang pagkakataon din ito upang muli nating balikan at pagnilayan ang ating sariling sining at kultura, na sa mahabang panahon ay naka-sentro sa ideya ng turismo at kalakalan.

Habang ang pagsusuot ng ‘face mask’ ay lubhang napapanahon, ang mga maskarang moryon naman ay pinagtibay ng panahon. Ang tema ng naturang eksibisyon ay hindi lamang angkop sa kasalukuyang estado ng ating lipunan kundi tumutugon rin sa pangangailangan ng ating lalawigan. Lalo at higit na naka-eenganyong tingnan kung paano hinuhubog ng pandemya ang ating kamalayan sa sariling kultura.

Kung ang isang uri ng maskara ay ipinantatakip sa ilong at bibig upang huwag kumalat ang sakit, tanda ng responsibilidad o pag-iingat sa sarili at maging sa iba, ang maskarang moryon naman ay inilalagay sa mukha bilang simbolo ng tradisyon, panata, at pagpapakasakit. Magkaiba man ng kahulugan ay pawang mahalaga at kinakailangang pag-ibayuhin bilang tugon sa hamon ng kasalukuyang panahon. Marinduquenews.com

Posted in Uncategorized

Leave a Reply

error: Content is protected !!