GASAN, Marinduque – Isang Authorized Person Outside Residence (APOR) na bumisita lamang para sa isang ‘potential business opportunity’ ang nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 sa Marinduque. Ito ang ikalawang kumpirmadong COVID-19 patient na naitala sa bayan ng Gasan at pangsiyam naman sa buong lalawigan.
“Ang atin pong bagong pasyente ay APOR na bumisita lamang sa ating probinsya upang tingnan ang isang ‘potential solar project’,” pahayag ni Provincial Health Officer Gerardo Caballes.
Ayon kay Dr. Caballes, ang pasyente ay isang lalaki, 51 anyos at nanggaling sa Las Pinas, Metro Manila noong Hulyo 20. Ito ay dumating sa Marinduque Airport, Gasan sa kaparehong araw sakay ng Cebu Pacific Air. Nag-undergo ito ng rapid anti body test at nag-react sa Immunoglobulin M o IGM kaya agad itong isinailalim sa swab testing.
Sa health protocol ng pamahalaang panlalawigan, ang lahat ng APOR na darating sa panlalawigang paliparan ay kinakailangang sumailalim sa rapid anti body test upang masiguro na hindi sila ‘carrier’ ng virus.
Sa kasalukuyan ay asymtomatic, nasa maayos na kalagayan at hindi kinakikitaan ng anumang sintomas ng COVID-19 ang pasyente. Ito ay naka-quarantine sa isolation facility ng munisipalidad ng Gasan at inaasahang dadalhin sa Marinduque Provincial Hospital upang doon obserbahan at ipagpatuloy ang 14 days mandatory quarantine period.
Ginagawa na ng Gasan Rural Health Unit at partner agencies ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente. –Marinduquenews.com