MOGPOG, Marinduque – Isang authorized person outside residence (APOR) ang pinakabagong naitalang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 sa bayan ng Mogpog.
Ito ang kinumpirma ni Provincial Health Officer Gerardo Caballes ngayong araw.
Ayon kay Dr. Caballes, ang pasyente ay isang babae, 28 anyos at dumating sa Marinduque noong Agosto 4 mula sa Pasay City.
Aniya, bago umalis ang pasyente sa Pasay noong Agosto 3 ay sumailalim ito sa swab test base na rin sa panuntunan ng kumpanyang pinagta-trabahuhan nito subalit Agosto 11 na nang lumabas ang resulta.
Kahapon, Agosto 15 lamang natanggap ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) ang resulta ng reverse transcription polymerase chain reaction o RT-PCR test mula sa Department of Health (DOH)-Center for Health Development (CHD)-Mimaropa Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) na nagku-kumpirmang positibo sa COVID-19 ang nasabing indibidwal.
Dagdag pa ni Caballes, ang pasyente ay asymptomatic o walang ipinapakitang sintomas at naka-home isolation sa naturang bayan.
Kasalukuyan ng isinasagawa ang contact tracing para sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente.
Nakikiusap naman ang Provincial Health Office (PHO) sa lahat ng kinauukulan na huwag munang payagan ang mga APOR na magbiyahe hangga’t wala pang resulta ang RT-PCR test ng mga ito alinsunod na rin sa ‘preventive strategies’ ng Inter Agency Task Force (IATF) at DOH.
Pinapayuhan din ng PHO ang lahat ng ahensya at kumpanya na limitahan lamang ang pagbiyahe ng kanilang mga empleyado sa ibat-ibang lugar para maiwasan na maging ‘carrier’ sila ng virus at kung hindi naman maiiwasan ay inaabisuhan ang mga ito na sumailalim sa 14 days mandatory quarantine protocol. – Marinduquenews.com