BOAC, Marinduque – Isa ang sugatan sa pamamaril sa Sitio Ingas, Barangay Bantay, Boac nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Richard Jamig, 28 anyos, isang construction worker at naninirahan sa nabanggit na barangay.
Base sa eksklusibong panayam ng Marinduque News kay Criselda Guevarra, common-law-wife ng biktima, bandang alas 8:20 ng gabi nitong Abril 2, habang nanonood ng teleseryeng ‘Ang Probinsyano’ ang kanyang asawa ay may lalaki umanong nagpanggap na bumibili sa kanilang sari-sari store.
Nagtungo sa tindahan ang biktima subalit ilang sandali lamang ay narinig ni Criselda ang isang malakas na putok ng baril.
Ayon sa ulat, binaril ni Jose Lope ang biktima na tinamaan sa kaliwang likod nito.
Una rito noong umaga ng Martes ay nagpatawag ng pulong ang punong barangay ng Bantay kung saan ay nilinaw umano ni Jamig ang nangyayaring patuloy na pagpuputol ng puno sa lugar na kung hindi aniya maagapan ay maaaring magdulot ng kawalan ng suplay ng tubig sa kanilang barangay.
Ikinagalit umano ng suspek na isang furniture owner ang paglilinaw ng biktima kaya kinagabihan ay nangyari ang insidente.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek samantalang patuloy na nagpapagaling sa ospital ang biktima.
Mahaharap sa kasong frustrated murder at illegal possession of firearms na may kaugnayan sa Omnibus Election Code, o paglabag sa gun ban ang suspek. – Marinduquenews.com