SANTA CRUZ, Marinduque – Nananatili muna sa kani-kanilang kaanak ang nasa 10 pamilyang lumikas noong Sabado mula sa bisinidad ng Barangay Landy at Barangay Bancuangan sa bayan ng Santa Cruz, Marinduque, matapos bumitak ang lupa sa kanilang lugar.
Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Wilver Imperio, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction Office, maaaring dulot ito ng mga pag-ulan nitong nakaraang weekend, matapos ang matagal na naranasang mainit na panahon.
Aniya, Biyernes nang madiskubre ang maliit na bitak. Sabado ng hapon, pinalikas na ang mga residente. Nitong Linggo, napansing lumalaki na ang bitak.
Magsasagawa ng assessment ang Mines and Geosciences Bureau at ang Phivolcs sa lugar. Ayon kay Imperio, ang resulta ng assessment ang kanilang magiging batayan kung pababalikan pa ang mga residente sa lugar.
Sakaling hindi na pabalikin, sa relocation site na mananatili ang mga residente.
Sa ngayon, binibigyan ng pagkain ang mga nagsilikas at bukas pa rin ang evacuation center sa barangay sakaling gustuhin ng mga pamilyang doon na manatili.
This story was first published on ABSCBN News