BOAC, Marinduque — Nasa 112 na mga mag-aaral sa probinsya ng Marinduque ang dumalo kamakailan sa oryentasyon at pagsasanay hinggil sa Special Program for the Employment of Students o SPES.
Ayon kay Chief Administrative Officer Alma Timtiman ng Livelihood Manpower Development (LMD)-Public Employment Service Office (PESO), ang nasabing mga benepisyaryo ay kabilang sa mahigit 400 na aplikanteng sumailalim sa masusing proseso kasama na ang interview at pagcheck ng mga requirements.
Layunin ng programa na magkaroon ng pagkakataon na makapagtrabaho ang mga benepisyaryo sa loob ng 20 araw sa mga barangay at iba’t ibang tanggapan ng gobyerno kung saan sila ay maaatasang mag-assist sa mga kawani ng pamahalaan o kaya ay magsagawa ng survey na magiging daan sa paglikom ng mga datus para sa skills mapping.
Samantala, isinagawa rin ang Orientation for Financial Literacy and Entrepreneurial Mindsetting sa pangunguna ni Florinel Marticio, Negosyo Center Counselor mula sa Department of Trade and Industry-Marinduque.
Kasunod nito ay pinangunahan naman ni Renell Mayo, senior labor and employment officer mula sa Department of Labor and Employment ang seminar tungkol sa Labor Education.
Inaasahang makatatanggap ang mga benepisyaryo ng P464.95 na sweldo kada araw o tinatayang humigit P9,000 sa pagtatapos ng kanilang tatlong linggong pagtatrabaho. — Marinduquenews.com