BOAC, Marinduque — Nasa 140 na mga kalahok ang nagtapos sa isinagawang Camp Coordination at Camp Management Training na pinangunahan ng Boac Municipal Social Welfare and Development sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD)-Mimaropa kamakailan.
Ang mga dumalong indibidwal ay binubuo ng Child Development Workers (CDWs), Barangay Nutrition Scholars, Barangay Health Workers, persons with disability (PWD) presidents at ng Kalipi ng Liping Pilipina (KALIPI) Association na inaasahang magiging tagapangasiwa sa mga evacuation center.
Layunin ng apat na araw na pagsasanay na madagdagan ang kaalaman ng mga kalahok tungkol sa camp coordination at camp management at upang paigtingin ang kahandaan sa oras ng kalamidad.
Ayon kay Boac Municipal Social Welfare Officer Hazel Gonzalez, naging tagapagsalita sa isinagawang workshop ang mga kinatawan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office at Disaster Management Team ng DSWD kung saan ay naglaan aniya ang lokal na pamahalaan ng pondong P300,000 mula sa MDRRM at GAD fund.
Tumanggap naman ng sertipiko at token ang mga kalahok bilang tanda ng matagumpay na pagtatapos ng isinagawang pagsasanay. — Marinduquenews.com