MANILA – Nasa dalawang kaso na ng COVID-19 Delta variant ang naitala sa bayan ng Boac sa Marinduque, ayon kay Mayor Armi Carrion.
“Ang sabi po ng aking health officer ay meron na po ditong Delta. Dalawa po ang Delta dito sa aming bayan,” aniya.
Ayon kay Carrion, sa Barangay Mercado naitala ang dalawang kaso, na pawang local sa kanilang lugar.
“Local po ito kasi ang aming bayan po ay aming capital town. Siyempre po ang iba-ibang bayan ay nagpupunta dito. Ang national agencies din po ay nasa aking bayan,” paliwanag niya.
Sa kasalukuyan, may 101 aktibong kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan, ani Carrion. Nasa 14 naman ang naitalang namatay habang 286 ang gumaling na.
Nasa higit 15,000 naman na ang nababakunahan sa Boac, ani Carreon. Nasa 35,000 ang kabilang sa kanilang target na population.
Nagpasalamat din si Carrion kay House Speaker Lord Allan Velasco at sa ama nitong si Marinduque Governor Lord Allan Velasco sa tulong na kanilang ipinaabot sa ospital sa Boac.
“Marami pong naitulong ang ating Speaker of the House Lord Allan Velasco at ang kanyang ama, ang aming gobernador. Marami na po siyang ipinadala sa ating provincial hospital.”
Patuloy na nanawagan si Carrion ng mga oxygen concentrator at antigen kits.
“Antigen po sana, kung meron pong magdodonate. Yun po ang aming adbokasiya for earlier detection,” aniya.
This story was first published on ABS-CBN