BOAC, Marinduque – Naka-recover na ang dalawang pasyenteng nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa Marinduque.
Ayon kay Dr. Edgar Ancheta, Chief ng Marinduque Provincial Hospital (MPH), negatibo ang resulta sa isinagawang laboratory testing sa mga pasyente.
“Iyong unang swab test ay lumabas po noong isang linggo, negative po sila. Kaninang umaga naman po ay dumating ang resulta ng pangalawang swab test nila at negative pong muli sila,” pahayag ni Ancheta.
Agad na ipinag-utos ng hepe ng pagamutan na i-discharge na sa isolation facility ng Marinduque Provincial Hospital ang nabanggit na dalawang pasyenteng nagmula sa bayan ng Torrijos at Gasan.
“Halos dalawang linggo rin po silang na-confine dito sa MPH kaya pinauwi na rin po natin sila sa kani-kanilang mga tahanan para doon ipagpatuloy ang 14 days mandatory home quaratine,” dagdag ni Ancheta.
Nakapagtala ng anim na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong Marinduque at matatandaang una nang gumaling sa sakit ang apat na pasyente. (RAMJR/PIA-Mimaropa)