BOAC, Marinduque — Dalawang suspek sa pagbebenta ng iligal na droga ang naaresto sa Boac, Marinduque nitong Sabado, Setyembre 11.
Kinilala ang mga suspek na sina Marlon G. Gonzalez, 46 anyos, residente ng Barangay Nangka, Mogpog at Michael M. Rotulo, 41 anyos, taga Barangay Poras, Boac.
Batay sa ulat ng pulisya, pasado ala-1:30 ng hapon nang makipagkita ang mga suspek sa isang police asset na nagpanggap na buyer sa Barangay Maligaya, Boac.
Nang nagpositibo ang transaksyon, dito na kumilos ang nakaantabay na pinagsanib na pwersa ng Marinduque Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU), Mogpog Municipal Drug Enforcement Team (MDET) at Provincial Mobile Force Platoon (PMFP) kung saan nasakote ang dalawang suspek.
Nakumpiska sa mga drug pusher ang dalawang pakete na naglalaman ng 10 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang aabot sa P40,000, marked money na nagkakahalaga ng P2,000, dalawang cellphone, isang motorsiklo at P12,000 na pag-aari ni Gonzalez.
Nakuha din sa mga suspek ang 1 kahon na naglalaman ng assorted donut kung saan itinago ang nasabing ‘white crystalline substance’, isang pakete ng sigarilyo at lighter.
Ayon kay Police Captain Aldrin Mutya, acting chief of police ng Mogpog Municipal Police Station, kasalukuyang nasa kanilang kustodiya ang mga suspek.
Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — Marinduquenews.com