BOAC, Marinduque – Dalawang pulis na pawang miyembro ng Boac Municipal Police Station (Boac MPS) ang nasugatan matapos ang naganap na pagsabog sa barangay Santol, Boac, Marinduque.
Kinilala ang mga biktima na sina SPO2 Nelson Ricohermoso at PO2 Jeffrey Gutierrez na pawang nagpapagaling na sa Marinduque Provincial Hospital.
Bandang alas-3:10 ng hapon ng dumating sa lugar ang grupo ng mga kapulisan ng Boac MPS kasama ang mga bombero ng Bureau of Fire Protection-Boac upang sirain ang mga nakumpiskang paputok ngunit bigla umano itong sumabog. Ang nasabing mga paputok ay nakumpiska noon pang nakaraang taon.
Ayon kay SPO2 Mario Permejo, imbestigador ng Boac MPS, nilalapag na umano ng dalawang pulis ang 82 packs ng 5-star nang ito ay sumabog dahilan sa tindi ng init ng araw.
Nadamay sa pagsabog ang patrol car ng Boac MPS at firetruck ng Boac-BFP.
Wala namang pahayag ang Bureau of Fire Protection-Boac hinggil sa nasabing insidente.