2 tapat na janitor sa Kamara, kinilala

TORRIJOS, Marinduque – Isa si Michael Mark Quimora, tubong Sitio Banukbok, Brgy. Cabuyo, Torrijos, Marinduque sa dalawang janitor na kinilala sa kongreso dahil sa kanilang pagiging matapat. Ito ay matapos isauli ang Php 19,500 na halaga ng perang natagpuan nila sa upuan ng isang mambabatas sa plenary hall noong nakaraang linggo.

Ayon sa report ng Radyo Inquirer, naglilinis si Crispin Jasareno sa bulwagan ng Batasang Pambansa sa Quezon City nang bigla niyang makita ang bugkos ng tig-Php 500 na pera sa upuan ni Cebu Rep. Jonas Cortes noong Miyerkules.

Agad niyang tinawag ang kasamahan niyang si Michael Mark Quimora dahil ayaw niyang galawin ang pera nang siya lang ang naroon.

Magkasama nilang ibinalik ang pera sa staff ni Cortes sa opisina nito, at binigyan aniya sila ng P500 pang-meryenda.

Ayon kay Jasareno, masyadong malaki ang pera at kailanman hindi niya naisip na ibulsa ito dahil tiyak na hahanapin ito ng may-ari.

Para naman kay Quimora, masyadong mabigat ito sa konsensya kung ibubulsa nila ito.

Hindi naman nila personal na nakausap ang kongresista, pero ayon sa staff nito, hindi napansin ng mambabatas na nawalan siya ng pera, at malamang na dumulas lang ito sa kaniyang bulsa.

Walang pag-aatubili naman si Cortes na sumulat kay House Secretary General Cesar Pareja para bigyang pagkilala ang katapatan nina Jasareno at Quimora.

Sa liham ni Cortes, sinabi niyang hindi sapat ang simpleng pasasalamat para kilalanin ang katapatan ng mga naturang empleyado ng Kamara.

Kaya naman hiniling niya na parangalan ang dalawa dahil sila ay magandang halimbawa ng integridad at katapatan sa trabaho.

Photo caption: Isinoli nina Crispin Jasareno (kaliwa) at Michael Mark Quimora, mga janitor ng Batasan Pambansa ang perang naiwan ng Kongresista ng Cebu. | Photo courtesy: Inquirer

 

Posted in Uncategorized

Leave a Reply

error: Content is protected !!