BOAC, Marinduque — Pormal nang isinagawa ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at ng 20 mag-aaral na napabilang sa bagong hanay ng mga iskolar sa bayan ng Boac.
Ito ay sa bisa ng ipinatutupad na Ordinansa Blg. 2001-068 kung saan ay isinabatas ang pagkakaroon ng pambayang scholarship program upang makatulong sa mga kabataan na walang kakayahan na ipagpatuloy ang pag-aaral.
Ayon kay Mayor Armi DC. Carrion, ang mga bagong iskolar ay pinili mula sa mahigit 219 na aplikante na dumaan sa masusing pag-aanalisa ng mga miyembro ng komitiba.
“Isang mainit na pagbati sa mga bagong batch ng iskolar ng bayan! Ang inyong determinasyon at sipag ay tunay na nagbibigay-inspirasyon sa ating komunidad. Ang inyong pag-aaral ay magiging pundasyon ng mas magandang kinabukasan para sa ating bayan. Patuloy nating pagyamanin ang kaalaman at pagmamahal sa ating pamayanan,” wika ng alkalde.
Dumalo naman sa aktibidad sina Vice Mayor Mark Seño, Municipal Administrator Carlo Jacinto, Konsehal Mark Angelo Jinang, Municipal Social Welfare and Development Officer Hazel Maureen Gonzalez at Vice President for Student Affairs Raoul Magcamit ng Marinduque State College.
Samantala, bago matapos ang gawain ay binigyan ng pagkilala ang mga iskolar na nagsipagtapos na sa pag-aaral bilang pasasalamat sa patuloy na pagtitiwala at pakikiisa sa mga programa ng pamahalaang bayan. — Marinduquenews.com