SANTA CRUZ, Marinduque — Umabot sa 200 mangrove propagules ang itinanim ng mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG)-Marinduque sa coastal area na sakop ng Sitio Ipil, Brgy. Botilao sa bayan ng Santa Cruz, Marinduque.
Itinaon ang pagtatanim ng bakawan at paglilinis ng baybayin sa pagdiriwang ng Maritime Week kung saan ay mahigit 20 sako ng iba’t ibang uri ng basura ang naipon at nakalap ng mga dumalo sa gawain na kinabibilangan din ng mga miyembro ng PCG Auxiliary 510th Squadron sa pangunguna ng Santa Cruz at Torrijos Division.
Nakiisa rin sa mangrove tree planting ang mga kinatawan mula sa Bureau of Fire Protection, Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) at mga Barangay Health Workers (BHWs).
Ayon kay Marinduque Coast Guard Station Commander Eugenio Romea, mahalaga ang pagtatanim ng bakawan sapagkat nagsisilbi itong tirahan at pangitlogan ng mga isda at nakatutulong na maprotektahan ang kalikasan. — Marinduquenews.com