BOAC, Marinduque — Umabot na sa 202,220 ang bilang ng mga residente sa probinsya ng Marinduque na matagumpay na nakapagrehistro sa Philippine Identification System o PhilSys.
Base sa pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA)-Marinduque, nasa 84.54 porsiyento na nang kabuuang target na populasyon sa lalawigan ang naka-kompleto sa Step 2 Registration.
Ang Step 2 Registration ay ang pamamaraan kung saan masusing tinitingnan ang mga pangsuportang dokumento ng isang aplikante gayundin sa hakbang na ito isinasagawa ang pagkolekta ng biometric information katulad ng iris scan, fingerprints at front-facing photograph.
Ang bayan ng Boac ang may pinakamataas na registradong residente na mayroong 51,160 indibidwal, sinundan ng Sta. Cruz na mayroong 46,265 registrants, Gasan na may 29,263 registrants, Mogpog na may 27,894 registrants at Torrijos na may 26,566 habang 21,072 indibidwal ang naitala sa bayan ng Buenavista.
Batay sa Republic Act No. 11055 o ang Philippine Identification System (PhilSys) Act, ang PhilID ang magsisilbing opisyal na pambansang pagkakakilanlan ng isang mamamayan ng Pilipinas kung saan ito ay maaaring gamitin sa anumang transaksyon sa lahat ng nasyunal at lokal na ahensya ng gobyerno kasama na ang mga pribadong sektor katulad ng bangko at iba pang institusyon. — Marinduquenews.com