BOAC, Marinduque — Umabot na sa 2,158 ektarya ng mga lupain sa probinsya ng Marinduque ang ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Base sa ulat ng DAR-Mimaropa sa Kapihan sa Bagong Pilipinas, nasa 3,435 na mga electronic titles o e-titles ang ipinagkaloob sa higit 3,519 na agrarian reform beneficiaries (ARB) sa lalawigan sa ilalim ng Project SPLIT o Support to Parcelization of Lands for Individual Titling Project.
Ang Project SPLIT ay proyekto ng DAR na may layuning pabilisin ang pagproseso sa paghahati ng mga lupaing nakapaloob sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at Collective Certificate of Land Ownership Awards (CCLOA) upang magkaroon ng karapatang makapagmay-ari ng titulo ng lupa ang isang lehitimong magsasaka.
Samantala, ipinabatid ni DAR-Mimaropa Regional Director Marvin V. Bernal na wala ng mga lupaing inaasahang ipamamahagi sa mga mamamayan ng Marinduque sa mga darating na panahon sapagkat ‘LAD free’ o land acquisition and distribution’ free na ang buong probinsya.
Ibig sabihin aniya nito, ang lahat ng mga lupaing nasa ilalim ng CARP ng Kagawaran ng Repormang Pang-agraryo ay naibigay na sa mga magsasakang benepisyaryo. — Marinduquenews.com