TORRIJOS, Marinduque – Pormal nang binuksan at sinimulan ang 22nd Provincial Scout Jamborette ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) – Marinduque Council na may temang “Growth and Stability” nitong Sabado, Setyembre 10 sa Poblacion, Torrijos, Marinduque.
Inilaan ng lokal na pamahalaan ng Torrijos bilang host town ang Torrijos Central School para maging camp site ng mga cub scouts, boy scouts, senior scouts, female scouts, at scout leaders.
Ang mga lumahok ay mula sa anim na bayan ng Marinduque – Boac, Buenavista, Gasan, Mogpog, Sta. Cruz at Torrijos.
Sinimulan ang gawain ganap na alas-3:00 ng hapon sa pamamagitan ng parada. Ito ay dinaluhan ng mga opisyal ng BSP-Marinduque Council, school heads, guro, mag-aaral at mga lokal na opisyales na tatagal hanggang ika-13 ng Setyembre 2016. Bahagi pa rin ito ng ika-116 Anibersaryo ng Labanan sa Pulang Lupa.