Nais ng Commission on Audit (COA) na patawan ng kaukulang parusa ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang kinuha nitong tatlong contractor dahil sa pagkaantala ng 91 na kontrata para sa mga infrastructure project na umaabot sa P318.25 milyon ang kabuuang halaga.
Sa 2018 Annual Audit Report ng COA, sinita nito ang GTJ Construction, DQT Builders Corporation, at Jeff Enterprises na binigyan ng iba’t ibang kontrata para sa mga infrastructure project sa Marinduque.
Nabatid sa COA report na P131.98 milyon ang kontrata ng GTJ Construction, P146.92 milyon sa DQT Builders, at P39.35 milyon sa Jeff Enterprises.
Lumalabas umano sa pagsusuri ng mga state auditor na ang tatlong nabanggit na contractor ay lumabag sa post-qualification requirements na nakasaad sa Republic Act No. 9184 o Government Procurement Reform Act na tumutukoy sa “competence” ng mga tauhan ng bawat contractor.
Batay sa COA, 44 na proyekto ang hawak ng GTJ Construction at pinagsabay-sabay nitong pahawakan sa kanilang mga tao ang mga nabanggit na kontrata. Isang project engineer ang pinahawak ng 37 proyekto, may mga safety engineer na hanggang 14 na proyekto ang hawak, at mga general foreman na sabay-sabay pinangangasiwaan ang 18 na proyekto.
Ganito rin umano ang ginagawa ng DQT Builders Corporation sa paghawak ng 17 na proyektong napasakamay nila habang ang Jeff Enterprises ay isang tao sa 10 proyekto ang humahawak.
“The practice of the contractors’ simultaneous deployment of their key personnel to two or more projects contradicts their certification as stated in the Key Personnel Certificate of Employment, one of the technical requirements in the post-qualification of bidders,” sabi ng COA.
Bunga nito, naantala ang pagpapagawa sa 18 infrastructure project at nagdulot ng karagdagang gastos para sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque.
Pinagpapaliwanag ng COA ang Bids and Awards Committee ng Marinduque sa maluwag na pagpapatupad ng evaluation sa mga technical document para sa awarding ng mga kontrata.
Giit din ng COA sa patawan ng kaukulang parusa at danyos ang mga delingkwenteng contractor.
This story was first published on Tonite.abante.com.ph