BOAC, Marinduque – Magbibigay ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng tatlong ektaryang lupaing pang-sakahan sa mga magaaral na magtatapos ng kursong agrikultura.
Ito ang ibinalita ni Kalihim John Castriciones sa mga magsasaka nang bumisita siya sa Marinduque kamakailan.
Aniya, ang mga magtatapos ng kursong agrikultura ay babahaginan ng pamahalaan ng tatlong ektaryang lupang pansakahan para magkaroon sila ng pagsisimulan at maisasakatuparan ang kanilang profession sa kani-kanilang sakahan.
Sinabi pa ni Castriciones na kumpiyansya siya na sisinupin ng mga bagong tapos sa kursong agrikultura ang mga lupaing pang-sakahang ibabahagi sa kanila at malamang gawin pa nila ang mga ito bilang ‘farm laboratories’ kung saan gagamitin nila ang mga teorya at magagandang halimbawa na natutunan sa kanilang pag-aaral.
“Ang insentibo para sa magtatapos sa kursong agrikultura ay maaaring maging unang hakbang para makamtan ng bansa ang seguridad sa pagkain,” sabi ng kalihim.
Inihayag ng hepe ng DAR ang magandang balita habang kinakatok niya ang bahay ng mga magsasakang benepisyaryo ng programa para sa repormang pansakahan para iabot sa kanila ang kani-kanilang mga pansariling titulo ng lupa, ang Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) sa Barangay Bantay, Boac, Marinduque.
Ang nasabing istratehiyang “DAR-to-Door” sa pamamahagi ng CLOAs, ayon sa kalihim, ay sang-ayon sa direktiba ni Pangulong Duterte na pabilisin at tapusin ang pamamahagi ng lupang pansakahan sa pagtatapos o bago matapos ang kanyang termino na magwawakas sa Hunyo 2022.
Dagdag ng DAR chief, ang handog ay bilang pangungumbinsi na rin sa mga kabataan para kumuha ng kursong agrikultura bilang suporta sa sektor ng pagsasaka na nakasandig sa balikat ng mga matatandang magsasaka kungsaan ng karaniwang edad ng mga magsasaka ay nasa “average” na 57. Aniya, maraming pag-aaral ang nagpapakita na halos lahat ng kabataan ay hindi kinahihiligang kumuha ng mga kursong agrkultura dahil na rin sa maling paniniwala na ang “pagsasaka ay hindi biro”.
Ang Agricultural Training Institute ng Kagawaran ng Agrikultura ay nagpahayag na nahaharap ang bansa sa pagkaubos ng mga magsasaka sa loob ng 15 taon, kung hindi mababago ang kalakaran.
“Ito ang ating sagot sa kritikal na isyung ito. Kailangan nating kumbinsihin ang ating mga kabataan na subukan ang pagsasaka para mapanatili natin sa tamang landas ang programa ng ating seguridad sa pagkain,” sabi ni Bro. John.
Dagdag pa niya na nakasalalay sa mga kabataan at sa kanilang pag-aaral ng mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka ang ikauunlad ng agrikultura at maihanda ito sa pagkalugi na dulot ng kalamidad. – Marinduquenews.com