BOAC, Marinduque — Nakatakdang isagawa ang malawakang ‘dredging operations’ sa humigit 30 pangunahing ilog sa Marinduque.
Ayon kay Gov. Presbitero Velasco, Jr. inaprubahan na ni Sec. Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kahilingan at aplikasyon ng pamahalaang panlalawigan na magkaroon ng ‘river dredging activities’ o paghuhukay sa mga ilog sa buong probinsya.
“Nakipagpulong po ako kay Sec. Cimatu at pinag-usapan namin ang mga detalye para sa ating ‘river dredging program’, ibinigay po n’ya ang todong suporta para rito,” pahayag ni Velasco.
Pangunahing layunin ng proyekto na linisin ang mga ‘heavily silted water system’ sa mga ilog sa lalawigan upang maibsan ang malawakang pagbaha gayundin para maalis ang mga naiwang lason dulot ng Marcopper. Sa pamamagitan din nito ay maisasaayos ang daloy ng tubig at matatanggal ang mga dumi na sanhi ng polusyon.
Aniya, maganda na mapagsabay-sabay ang ‘river dredging operations’ sa lahat ng mga ilog at creek sa Marinduque dahil marami siyang natatanggap na ulat mula sa mga kapitan ng barangay na tumaas na ang libel ng ‘river bed’ sa mga ilog na nasasakupan ng kanilang pamayanan.
“Tumaas na po ang river bed ng marami sa ating mga ilog dahil nadagdagan ng bato, graba at kung anu-anong mga materyales kaya umaapaw na po at nararanasan ang malalaking mga pagbaha,” dagdag ng gobernador.
Sa bayan ng Boac, ang mga ilog na inaasahang kabilang sa ‘dredging activities’ ay ang Boac River, Tugos, Duyay, Puyog-Bantay, Canat, Makulapnit, Amoingon Creek, Boi, Cawit, Langoyon-Boi at Mainit Creek.
Sa Buenavista, kasama sa mga inrekomenda ay ang Tipo (Caingangan River), Sabang, Haynon Creek at Binunga Creek habang sa Gasan ay ang Libtangin River, Dawis-Tabionan, Matandang Gasan at Tiguion samantalang sa Mogpog ay ang Balanacan River, Duongan-Bintakay, Sayao at Mogpog River.
Sa bayan naman ng Santa Cruz ay ang Tawiran, Devilla, Santa Cruz-Bitik, Landy-Baliis-Hupi, Tambangan at Calancan Bay habang sa munisipalidad ng Torrijos ay kabilang ang Tigwi, Buangan, Cabuyo, Marlangga Creek, Mabucda at Matuyatuya-Pakaskasan Creek.
Alinsunod sa DENR Administrative Order No. 2020-07, kinakailangang bumuo ng Inter-Agency Committee (IAC) na tututok sa naturang programa. Magtatalaga rin ng River Dredging Zones sa mga madaraanang ‘heavily silted river channels’ batay naman sa Department of Public Works and Highways dredging master plan. — Marinduquenews.com