Nagtipun-tipon ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Multipurpose Hall, bayan ng Santa Cruz, Marinduque kamakailan.
Ito ay matapos magpalabas ng mahigit P14 milyon na conditional cash grant ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 55 barangay ng nasabing bayan.
Sa tulong ng Marinduque Social Action Multipurpose Cooperative (MASAMCO) na nagsisilbing isa sa mga kabahagi ng Landbank of the Philippines (LBP), kabuuang P14,218,300.00 ang ipinamahagi sa panahon ng payout; P9,031,800.00 mula sa unang payout ng taong 2017 (Pebrero-Marso) at P5,186,500.00 mula sa ikalawang payout ng kaparehas na taon (Abril-Mayo).
Nabanggit din sa ulat ng DSWD na ang sanhi ng pagkaantala sa pamamahagi ng cash grant para sa mga buwan ng Pebrero at Marso ay dahil sa kawalan ng ‘conduit’ at LBP branch sa lugar.