5 sugatan sa karambola ng 3 motorsiklo sa Santa Cruz

SANTA CRUZ, Marinduque – Lima ang sugatan sa karambolang kinasangkutan ng tatlong motorsiklo sa bayan ng Santa Cruz, Martes ng tanghali, Hulyo 30.

Pasado ala-1:15 ng tanghali nang mangyari ang aksidente sa Barangay Aturan ng nasabing bayan.

Kinilala ang mga sugatan na sina Meca Socito, 23 anyos, tubong Virac, Catanduanes, kasalukuyang naninirahan sa Barangay Lipa; Jeo De Luna, 18 anyos, naninirahan sa Barangay Lusok; Mark Lawrence Palmones, 18 anyos, naninirahan sa Barangay Ipil at 2 iba pa na sina Brad at Jojie, pawang menor de edad.

Sa panayam ng Marinduque News kay Police Major Quint Joan Quintana, acting chief of police ng Santa Cruz Municipal Police Station, nanggaling sa bayan ng Santa Cruz si Socito subalit pagsapit sa palikong bahagi sa Barangay Aturan ay aksidenteng nabangga ng motorsiklo na minamaneho ni De Luna na nagresulta upang ang kasunod na motorsiklo na minamaneho naman ni Palmones ay sumalpok sa dalawang motorsiklo.

https://www.facebook.com/marinduquenews/videos/1035545723282544/

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo na nagtamo ng ‘multiple wound’ at ‘fractures’ sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad na dinala sa Santa Cruz District Hospital ang mga sugatan subalit inilipat sa Lucena City ang ilan sa mga biktima kabilang si Socito dahil sa serious injury na tinamo nito.

Paalala ni Police Major Quintana sa mga motorista, “Gusto ko pong ipaalam sa mga motorista natin at lalong lalo na sa mga magulang na may mga anak na gumagamit ng motorsiklo, ipinagbabawal po sa ilalim ng batas na paggamitin ng motorsiklo ang inyong mga anak lalo na kung ang mga ito ay menor de edad at walang lisensya. Gusto ko rin pong ipaalam sa inyo na hindi man natin makasuhan ang mga bata na naging dahilan ng isang aksidente ay maaaring makasuhan ang mga magulang kapag nagsampa ng kaso ang biktima.” Marinduquenews.com

error: Content is protected !!