GASAN, Marinduque — Ipinamahagi ng lokal na pamahalaan ang Intervention Monitoring Card (IMC) katuwang ang Provincial Agriculture Office at Municipal Agriculture sa 575 magsasaka sa Gasan kamakailan.
Ang pagkakaloob ng naturang monitoring card ay bahagi ng pagsasaayos ng Department of Agriculture (DA) sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang magsilbing pagkakakilanlan at upang makatanggap ng tulong pinansyal.
Kabilang sa tulong pinansyal na maaaring makuha ng mga magsasaka ay ang Rice Farmer Financial Assistance (RFFA) ng DA Regional Field Office Agricultural Program Coordinating Office (APCO) na naglalayong magbigay tulong sa mga magsasaka na mayroong higit sa dalawang ektaryang lupain.
Dumalo sa gawain sina Jomari Sore bilang kinatawan ni Mayor Rolando Tolentino, Municipal Agriculture Officer Vanessa Tayaba at kinatawan mula sa DA-RFO APCO Mimaropa.
Sa mensahe ni Sore, ipinaabot niya ang pasasalamat sa pangulong Ferdinand Marcos Jr, Cong. Lord Allan Jay Velasco at Gov. Presbitero Velasco Jr. sa pagbibigay ng prayoridad sa mga magsasaka. Tiniyak din niya na sa ilalim ng kasalukuyang pamumuno ay patuloy na isusulong ang karapatan at tulong para sa mga magsasaka.
Samantala, inaasahang pagkatapos ng pagsasaayos ng ahensya sa RSBSA ay magtutuluy-tuloy na rin ang pamamahagi ng cash assistance sa mga benepisyaryo. Ito ay magmumula sa sobrang taripa ng mga imported sa ilalim ng Rice Tariffication Law. — Marinduquenews.com