MOGPOG, Marinduque – Dumating kahapon, Disyembre 12 sa lalawigan ng Marinduque ang mga delegado kabilang ang mga kongresista, gobernador at alkalde ng iba’t ibang lalawigan na sakop ng Mimaropa Region (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) para sa kanilang pagdalo sa 57th Regional Development Full Council Meeting.
Ang Regional Development Council (RDC) ay ang pinakamataas na pagpaplano at patakarang-paggawa ng mga kinatawan ng isang rehiyon. Ito ay nagsisilbing kabahagi ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board sa sub-national na antas. Ito ay ang pangunahing institusyon na nag-uugnay at nagtatakda ng mga direktibang pang-ekonomiya at panlipunang mga pagsisikap na makatutulong sa pag-unlad ng isang rehiyon. Ito rin ay nagsasagawa ng isang pangkalahatang pagpupulong o forum kung saan ang mga lokal na adhikain at inisyatiba ay maaaring isama sa rehiyonal at pambansang mga gawaing pag-unlad.
Bago ang opisyal na programa, ipinakita at ipinaranas ng mga Marinduqueno sa mga panauhin ang ganda at tradisyon ng lalawigan. Ang gawaing ito ay pinangunahan ng gobernador ng lalawigan na si Gov. Carmencita Reyes.
Ganap na ika-8:00 ng umaga matapos mag-almusal, nagtungo ang mga bisita sa Natangco Island, bayan ng Mogpog upang doon sila ay maputungan, isang tradisyon na ipinagmamalaki ng probinsya.
Tuwang-tuwa ang mga panauhin sa kakaibang karanasang ito sapagkat tila mga hari at reyna umano ang turing sa kanila.
Sinigurado naman ng kapulisan at coast guard ang kaligtasan ng mga dumadalo sa nasabing pagpupulong.