BOAC, Marinduque – Ang Cardio Vascular Diseases (CDV) ang numero uno umanong dahilan ng kamatayan ng mga Pilipino.
Sa datos ng Department of Health (DOH), sampung Pilipino ang namamatay kada oras dahil sa CDV at pitumpo’t pitong porsyento sa mga ito ay nangyayari sa bahay.
[fb_plugin video href=”https://www.facebook.com/marinduquenews/videos/429314994578416// ” ]
Kaya naman nagsagawa ng Hands-only Cardio-Pulmonary Resuscitation (CPR) Training ang DOH sa buong Marinduque nitong Hulyo 15-19.
Ayon kay Delbert J. Madrigal, Point Person ng DOH-Disaster Risk Reduction and Management in Health (DRRM-H) sa Marinduque, ang nasabing gawain ay alinsunod sa kampanya ng Kagawaran ng Kalusugan na magkaroon ng Nationwide Simultaneous Hands-Only CPR Awareness Campaign kung saan ang mga bayan ng Buenavista at Gasan ang naging pilot sites sa naganap na simultaneous activity.
Sa tala ng DOH-Marinduque, umabot sa 765 katao ang nabigyan ng pagsasanay upang maging rescue volunteers sa panahon ng kalamidad o kung sakaling may sakuna.
Ang sabay-sabay at maramihang CPR Training ay isinagawa kaalinsabay sa pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month na may temang “Kahandaan sa Sakuna’t Peligro Para sa Tunay na Pagbabago”. – Marinduquenews.com