SANTA CRUZ, Marinduque — Umabot sa 88 na hayop ang pinatay sa lalawigan ng Marinduque upang mapigilan ang pagkalat ng Q fever, isang sakit na maaaring makahawa at makaapekto sa kapwa tao at hayop.
Sa ulat ng Department of Agriculture (DA)-Bureau of Animal Industry (BAI) sa World Organization for Animal Health (WOAH), pinatay at ibinaon ng lokal na awtoridad ang 81 kambing at pitong baka sa isang sakahan sa Barangay Napo sa bayan ng Santa Cruz kung saan tatlo sa mga kambing ay namatay dahil sa naturang sakit.
Nakasaad sa ulat ng Pilipinas sa WOAH na nakitaan ng mga sintomas ng sakit ang mga kambing noon pang buwan ng Pebrero subalit nito lamang Hunyo 19 nakumpirma ng Philippine Carabao Center na mayroon nang kaso ng Q fever sa bansa.
Siniguro naman ng ahensya na ginagawa na ng pamahalaan ang lahat ng hakbang upang makontrol ang pagkalat ng sakit kagaya ng disinfection, movement control, quarantine, screening, opisyal na pagtatapon ng mga patay na hayop, by-products at stamping out habang mahigpit na binabantayan ang loob at labas ng restricted zone.
Idinagdag pa sa ulat na ang mga apektadong hayop ay binubuo ng 67 imported na Anglo-Nubian na kambing kung saan ay 57 rito ang babaeng kambing at 10 ang lalaking kambing kasama na ang pitong batang kambing.
Sa press conference na isinagawa ng Bureau of Animal Industry noong isang buwan ay kinumpirma ng ahensya ang unang kaso ng Q fever sa bansa ngunit sinabing kontralado na ang outbreak.
“Infected goats have been depopulated and tracing of potentially infected animals is ongoing to prevent the spread of Q fever, [Ang mga apektadong kambing ay na-depopulate na at patuloy namang sinusubaybayan ang mga nahawaang hayop upang maiwasan ang pagkalat ng Q fever]” pahayag ni Christian Daquigan, officer in charge ng BAI National Veterinary Quarantine Services Division. — Marinduquenews.com