BOAC, Marinduque – Pumalo na sa 1,071 ang kaso ng dengue na naitala ng Department of Health (DOH) at umabot na sa 2 katao ang nasawi sa lalawigan ng Marinduque.
Sa pinakahuling ulat ng DOH Regional Office sa lokal na mamamahayag, pinakamaraming kaso ang naitala sa bayan ng Boac – 340, sinundan ng Santa Cruz – 220, Gasan – 176, Mogpog – 142 at Buenavista – 124 samantalang pinakamaliit naman ang naitala sa bayan ng Torrijos na mayroong 67 kaso.
Ayon pa sa talaan ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH-Mimaropa, dalawa katao ang nasawi dahil sa dengue, tag-isa mula sa bayan ng Mogpog at Torrijos.
Matatandaan na kamakailan ay naglabas ng executive order si Marinduque Gov. Presbitero Velasco, Jr. na nag-aatas sa lahat ng kawani ng lokal na pamahalaan na paigtingin ang kampanya sa buong probinsya upang sugpuin ang mga lamok na nagdudulot ng mapaminsalang sakit na dengue.
Aniya, “I, Presbitero Jose Velasco Jr., Governor of Marinduque, by virtue of the powers vested in me by law, do hereby order all concerned Offices, Departments, Agencies, and Units of the Government to implement all the necessary preventive and control measures to mitigate the effects of Dengue in our beloved Province”.
Samantala, muling nagpaalala ang pamunuan ng Department of Health sa publiko na ugaliing maglinis sa paligid, itapon ang mga tubig na maaaring pamugaran ng mga lamok at kumunsulta agad sa doktor kapag nakitaan ng senyales na may dengue virus. – Marinduquenews.com