FILE PHOTO: ‘Send-off program’ sa mag-inang pasyente na nakarecover sa coronavirus disease o COVID-19 sa Marinduque. (Larawang kuha ni Romeo Mataac, Jr/PIA-Marinduque)
BOAC, Marinduque – Umabot na sa anim ang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa lalawigan ng Marinduque.
Ayon kay Dr. Gerardo Caballes, Provincial Health Officer, mayroong dalawang bagong kaso na naitala sa lalawigan.
Isa sa mga bagong nagpositibo ay nakatira sa bayan ng Torrijos habang ang isa ay mula naman sa bayan ng Gasan.
Sa ulat ng Rural Health Unit (RHU), ang pasyente na mula sa bayan ng Torrijos ay isang babae, 44-taong gulang at walang travel history. Subalit ito ay nagkaroon ng ‘close contact’ sa isang indibidwal na may ‘high index of suspicion’. Nakitaan ito ng sintomas noong Marso 28, at tumagal ng tatlong araw ang sakit nito. Sumailalim ang naturang pasyente sa apat na linggong ‘isolation period’ at hindi na nakitaan pa ng sintomas sa loob ng 27 araw.
Samantala, ang pasyente na residente ng Gasan ay isang lalaki, 40 anyos, nanggaling sa Metro Manila noong Marso 13 at nakakompleto na ng 28 araw na home quarantine.
Kinuhanan ng swab specimen ang nasabing mga pasyente at makalipas ang 8-12 araw ay lumabas ang resulta na nagkukumpirmang positibo ang mga ito sa COVID-19.
Kasalukuyan ng naka-admit sa Marinduque Provincial Hospital ang dalawang pasyente at ginagawa na ang contact tracing para sa mga posibleng nakahalubilo ng mga ito.
Sa anim na kumpirmadong kaso sa buong Marinduque, apat na ang naka-recover mula sa COVID-19. (RAMJR/PIA-Mimaropa)