Simula ng isailalim ang Luzon sa Enhanced Community Quarantine dala ng pandemyang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), naging ordinaryo na para sa mga pulis, sundalo at bumbero ang magbantay sa checkpoint at umikot sa kabayanan at kanayunan para magpatrolya, mapaumaga o mapagabi, umulan man o umaraw, masiguro lamang na ligtas ang mga mamamayan at sumusunod sa panuntunang itinakda ng pamahalaan upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Sa isang isla na kagaya ng Marinduque, na tuwing sumasapit na ang 8:00 ng gabi ay huni na lamang ng mga kuliglig ang iyong maririnig.
Sa lalawigan na kaparehas ng Marinduque na itinuturing na pinakatahimik at pinakamapayapang probinsya sa buong Pilipinas base sa ulat ng Philippine National Police at Philippine Security Forces, pinaka-una ang Marinduque sa “2013 Most Peaceful Province of the Country”. Ito ay dahil sa mababa ang ‘crime rate’ o krimeng naitatala rito taun-taon.
Kung tutuusin, hindi na kailangan pang magpatrolya ang kapulisan at militar sa mga barangay na sadyang tahimik at payapa na ang mga residente ay masunurin at marunong umunawa.
Subalit para sa mga pulis at sundalo, anuman ang sitwasyon sa isang lugar, may banta man ng kalamidad o wala, payapa man o magulo, sila ay palaging nandiyan, handang sumaklolo.
Bandang 10:15 ng gabi noong Abril 29, habang nagbabantay sa checkpoint sa Barangay Marlangga, Torrijos, Marinduqe sina Police Senior Master Sergeant John Winston Ravanera ng Torrijos Municipal Police Station at Army Corporal John Kevin Madrelino kasama ang mga kagawad at tanod ng barangay ay isang ginang ang lumapit sa kanila na humihingi ng saklolo.
Aniya, ang kanyang bunsong anak na si Jessa Pedrigal, 21 anyos ay manganganak at kinakailangang dalhin sa ospital.
Hindi nagdalawang isip at walang inaksayang oras, agad na isinakay nina PSMSgt. Ravanera at Corporal Madrelino sa patrol car ang mag-ina upang isugod sa pagamutan.
Si Ravanera ang nagmaneho ng mobile patrol samantalang ang sundalong si Madrelino ang umantabay sa manganganak na si Pedrigal.
Sa kalagitnaan ng biyahe, habang tinatahak ng sasakyan ang daan patungo sa karatig bayan kung saan nandoon ang Santa Cruz District Hospital, laking gulat nila nang may marinig silang iyak ng sanggol.
Nagluwal na pala ng isang ‘munting anghel’ sa loob ng patrol car si Jessa.
“Noong lumabas po ‘yong bata ay nawalan siya ng malay. Medyo kinabahan po kami, sabi ko kurut-kurutin mo, ilang sandali lang naman po, nagkaroon na ng malay. Sabi ko, huwag kang mag-panic, relax ka lang at makararating din tayo sa ospital,” kwento ni PSMSgt. Ravanera.
Ilang sandali pa ay ligtas na naihatid sa ospital ang sanggol at ang kanyang ina.
“Napakasarap po ng pakiramdam na tumulong sa ating kapwa lalong-lalo na sa ganitong sitwasyon. Dahil alam naman po natin na dalawang buhay ang nailigtas natin doon,” masayang pahayag ni Ravanera.
Nasa mabuti nang lagay ngayon si Jessa at ang kanyang supling na pinangalanang si Maxx Kobe.
Laking pasalamat nito sa mga tumulong sa kanilang mag-ina, “Masaya at talagang tuwang-tuwa po ako. Naging succesful po ang paglabas ng baby ko. Maraming salamat po sa dalawang tao na sumama at naghatid sa amin sa ospital, isa pong pulis at sundalo!”