TORRIJOS, Marinduque – Naitala ngayong araw ang pang-anim na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Torrijos at pang-sampu sa Marinduque.
Ayon sa inilabas na ulat ng Torrijos Rural Health Unit, ang bagong pasyente ay isang batang lalaki, 13 anyos, nanggaling sa Las PiƱas City at dumating sa Marinduque noong Agosto 3. Ito ay nakitaan ng sintomas ng sakit at nagpositibo sa real-time reverse transcription polymerase chain reaction o RT-PCR test. Ang pasyente ay sumailalim sa nasopharyngeal swabbing noong Agosto 5 at natanggap ng RHU ang resulta ngayong araw. Naka-admit na ang bata sa isolation facility sa nasabing bayan at wala nang ipinakikitang sintomas sa kasalukuyan
Ang Pambayang Tanggapang Pangkalusugan ay nagsasagawa na ng contact tracing, kasama na ang mga nakasalamuha ng naturang indibidwal mula sa iba’t ibang mga bayan sa buong probinsya. Ang lahat ng mga close contact ng pasyente ay isasailalim sa testing at isolation.
Samantala, patuloy na pinapayuhan ang mga mamamayan ng lalawigan na mag-ingat at sumunod sa mga alituntuning pangkaligtasan kagaya ng palagiang pagsusuot ng face mask, pagsanitize ng kamay gamit ang alcohol o sabon at pagdistansiya ng isang metro o higit pa sa ibang tao.
Ipinaalala rin ng RHU na base sa kautusan ng pamahalaang pambayan, ang lahat na darating na locally stranded individual (LSI), returning overseas Filipino (ROF), authorized person outside residence (APOR, maliban sa mga kawani ng gobyerno na mayroong opisyal na lakad) ay kinakailangang sumailalim sa mandatory quarantine sa mga Community Care and Containment Center (C4-Barangay), Municipal Community Isolation Unit, o home quarantine kung walang ibang kasama sa bahay at pinayagan ng Barangay Health Emergency Response Team o BHERT. – Marinduquenews.com