BOAC, Marinduque – Kasabay ng pagdiriwang ng ika-87 taong anibersaryo na may paksang “Bayanihang Pagtugon sa Hamon ng Bagong Panahon” at bilang tugon sa pangangailangang pangkabuhayan ng mga mamamayan, nagbigay ng kabuuang P103 milyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa lalawigan ng Marinduque kamakailan.
Ito ay para mabigyan ng economic recovery assistance ang pamahalaang panlalawigan na pakikinabangan ng 18,775 indibdwal na benepisyaryo sa ilalim ng Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILLEP).
Ayon sa press release ng DOLE-Mimaropa, tatlong ‘certificate of entitlement’ ang iginawad ng kagawaran sa lokal na pamahalan ng Torrijos at sa Marinduque provincial government.
Aniya, ang bayan ng Torrijos bilang accredited co-partner (ACP) ng DOLE ay maglalaan ng P2 milyon para sa dalawang proyekyo na swine business at tulong panimulang panghanap-buhay sa may 150 na benepisyaryo samantalang P6 milyon ang ibabahagi ng Provincial Government of Marinduque (PGM) para ipambili ng bangka nang may 200 mangingisda na naapektuhan ng nakaraang mga bagyo.
Ang PGM din ang magiging kaagapay ng ahensya sa implementasyon ng Emergency Employment Program o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) kungsaan ay aabot sa P95 milyon ang halagang inilaan dito. Inaasahan na 18,425 ang indibdwal na benepisyaro na makikinabang sa programa. Kailangan lamang magtrabaho ang isang mapipiling manggagawa ng 15 araw para makatanggap ng sweldong P4,800 o P320 kada araw.
“Habang papalapit ang pagtatapos ng kabanata sa taong ito, nais kong bigyang pugay ang lahat ng bumubuo sa DOLE-Mimaropa sa patuloy na pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa ating lokal na pamahalaan at iba pang ahensya o kumpanya para itaguyod ang kapakanan ng mga manggagawa sa rehiyong ito [As we close to the last chapter of this year, and I would like to commend the collaborative efforts of the men and women of DOLE-Mimaropa in partnership with the stakeholders in promoting the welfare of the workers of this region],” pahayag ni DOLE-Mimaropa Regional Director Joffrey M. Suyao.
Ang DOLE-DILEEP ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ay isa sa mga pangunahing programa ng kagawaran na naglalayong makapagdulot ng hanapbuhay sa mga indibidwal at grupo ng manggagawa sa bansa.
Nilalayon din ng DILEEP na mabawasan ang kahirapan sa pamamagitan ng emergency employment at pagtataguyod ng negosyong pangkabuhayan sa komunidad. – Marinduquenews.com