BOAC, Marinduque — Ipinagbabawal ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang pagbiyahe ng buhay na baboy at karne nito palabas ng probinsya sa loob ng tatlong buwan.
Ayon sa Executive Order No. 03-2021 na nilagdaan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr, nakasaad dito ang pagbabawal sa pagbiyahe ng live hogs gayundin ang karne nito simula Pebrero 9 hanggang Mayo 8 para matugunan ang demand ng baboy sa lalawigan sa gitna ng pandemya bunsod ng COVID-19 at sa patuloy na banta ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.
“Mga kababayan, upang maiwasan ang posibilidad na magkaroon ng kakulangan sa suplay ng baboy o karne at masiguro na sapat ang panustos sa ating lalawigan, ibinaba po natin ang EO No. 03-2021,” pahayag ni Velasco.
Aniya ang nasabing kautusan ay alinsunod sa resolusyong ipinasa ng sangguniang bayan mula sa anim na munisipalidad gayundin sa kahilingan ng sangguniang panlalawigan.
Samantala, sa bisa rin ng EO No. 03-2021 ay inaatasan ang Provincial Veterinary Office (PVetO) na gawin ang nararapat na hakbang para matulungan ang mga nag-aalaga o nagpapalaki ng baboy sa probinsya kasama na ang pagpapalaganap ng nasabing kautusan sa bawat barangay. — Marinduquenews.com