GASAN, Marinduque — Dumating na sa lalawigan ng Marinduque ang kauna-unahang batch ng mga bakuna kontra COVID-19 na CoronaVac mula sa Chinese company na Sinovac.
Pasado alas 8:40 ng umaga nang lumapag sa Marinduque Airport sa bayan ng Gasan ang eroplano ng Philippine Coast Guard na PCG Islander 684 mula sa DOTr Hangar, Manila International Airport, Pasay City lulan ang 600 vials ng China-made Sinovac vaccines.
Personal itong sinalubong ni Gov. Presbitero Velasco, Jr., kasama sina Dr. Rachel Rowena Garcia, head ng Department of Health (DOH)-Marinduque, Dr. Gerardo Caballes, provincial health officer at Kerwin Laudit, manager ng airport.
Agad namang dinala ang mga bakuna sa Provincial Health Office, Capitol Compound sa Barangay Santol, Boac upang doon pansamantalang ilagak.
Ayon kay Dr. Caballes, nakalaan ang nasabing mga bakuna sa may 300 healthcare workers ng Marinduque Provincial Hospital.
Uumpisahan ang vaccine rollout o pagbabakuna ng unang dose sa mga health workers, alas 8:00 ng umaga ngayong araw. — Marinduquenews.com