GASAN, Marinduque — Nagsagawa ng pagsasanay hinggil sa pag-aalaga ng paru-paro o butterfly farming ang lokal na pamahalaan ng Gasan kamakailan.
Ang training na inorganisa ng Municipal Agriculture Office (MAO) ay dinaluhan ng may 25 kalahok mula sa mga barangay ng Tiguion, Pangi at Antipolo.
Ayon kay Vanessa Tayaba, OIC-Municipal Agriculture Officer, malaki ang potensyal ng sektor na ito upang makapagbigay ng alternatibong pagkakakitaan sa mga mamamayan lalo na sa mga kababaihan sapagkat isa ang Marinduque sa mga pangunahing lalawigan na nag-i-export ng mga paru-paru sa ibang bansa kaya hangad ng pamahalaang bayan na dumami pa ang mga butterfly breedre sa kanilang lugar.
“Ang ginamit po nating pondo rito ay mula sa gender and development (GAD) program ng LGU dahil prayoridad po nating mabigyan ng livelihood projects ang ating mga kababaihan lalo na ngayong nasa ilalim pa rin tayo ng pandemya”, ani Tayaba.
Sa ginawang pagsasanay, ibinahagi ni Jonah Fabalena, isang butterfly breeder at entreprenuer mula sa JMC Butterfly Farm ang kanyang kanarasan sa pagsisimula ng butterfly farming, gayundin ang pagtatanim ng mga host plant o halaman at bulaklak na paboritong tahanan ng mga bila-bila — lokal na katawagan sa paru-paro.
Aniya, ang mga halaman o bulaklak na maaaring itanim ng mga butterfly breeder ay Lantana, Ivory plant at iba pa.
Tinuruan din ni Fabellana ang mga dumalo sa paggawa ng mga souvenir item gawa sa mga paru-paro.
Bago matapos ang pagsasanay ay nagbigay ng net o hatching cage ang MAO sa mga kalahok na maaaring gamiting panimula sa pagtatayo ng butterfly farming. — Marinduquenews.com