GASAN, Marinduque — Bilang panggunita sa buwan ng Ugnayan ng Pamayanan at Pulisya, nagsagawa ng tree planting ang mga tauhan ng Gasan Municipal Police Station (MPS) sa Kawilihan Park, Barangay Uno kamakailan.
Ang pagdiriwang na pinangunahan ni PLT. Erwin P. Guyada, officer-in-charge ng Gasan MPS ay may temang ‘Pulisya at Pamayanan, Barangayanihan sa Hamon ng Pandemya at Laban sa Krimen’.
Sa pagtutulungan ng punong barangay na si Nepthalie R. Eden at sampung barangay opisyales, mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT), Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), mga senior citizen at mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay matagumpay na naisagawa ang naturang programa.
BASAHIN: Farm business school, inilunsad sa bayan ng Boac
Nagpaabot naman ng pagbati si Mayor Victoria L. Lim ng kanyang pasasalamat at pagpupugay sa hanay ng pulisya at komunidad.
“Ang hanay ng ating kapulisan ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga barangay upang tuluyang masugpo ang kriminalidad nang sa gayon ay matiyak ang kaayusan at seguridad ng pamayanan,” ani Lim.
Samantala, kahapon ay dumating sa probinsya si Police Major General Rhodel Sermonia, director ng Directorate for Police Community Relations (PCR) ng Philippine National Police para pangunahan ang panunumpa sa tungkulin ng iba’t ibang kinatawan ng force multipliers ng PCR. — Marinduquenews.com